Latest Posts

no image
"Isang Balsa"

Sa panahong marami na ang naikukubli
At ang nahahanap ay ilusyong hindi sumasalamin
Viaje sin sentido, ang lahat ay tila na lamang palipasan 
Endosar Valores! Naghihintay ang bulong ng iilan!

Liwanag ay dumidilim sa dagat na malalim
Isang balsa ang dumaong na may iisang hangarin
Tumatak na diwa ng pluma ay layong baguhin
Estado ng lohika ay unti-unting palawakin
Rebolusyon ang layon sa paraang tahimik,
Ang bundok na matayog ay hindi naman matarik.
Totoo mang malayo ay pilit makakabalik
Upang itong karamihan, makaunawa, masagip
Rekonstruksyon sa estilo at balanse sa mga salita
At babalik ang tunay na sigla ng presensyang nawala.

-Peter Miranda 


---

EDUKASYON SA LITERATURA, NA SAAN NA NGA BA?

Sa panahong teknolohiya ay laganap,
Ang pagsusulat ay wala ng hirap,
Very easy na ang pag lilimbag,
Ewan ko ba, ano bang naganap?

Literatura dati ay nasaan na?
Isiping mabuti kung saan napunta.
Tila limot na ang tunay na halaga,
Edukasyong siyang dahilan ng paglatha.
Ramdam na sa ngayon ang pagkawala,
Ang pagkalimot sa mga akda.
Tara na at wika ay pasiglahin na,
Upang literatura ay pagyamanin pa!
Reyalidad ay ating makikita,
Edukasyon sa literatura, ating makukuha.

-Vea Candy Velasco Verzosa 

----


Munting Habilin

S-a iyong pag-gising
A-king habilin nawa'y
G-intong ituring.
I-ka'y makararanas
P-ulupot at tuklaw ng ahas,
I-yong pagtitiwala'y kahangalan,
N-ahuhulog ka ng 'di namamalayan.

A-nak ko, mamulat ka
N-asa ng tao'y apakan ka,
G-anid at inggit tanging ndarama nila.

L-uha mo'y pigilan
I-tago iyong kasawian
T-anggapin ang katotohanan.
E-ba ay huwag pamarisan,
R-ahas ng alon iyong mararanasan,
A-has, saan mang dako ay nariyan
T-umutuklaw maging ng kaibigan,
U-usigin ka at sasaktan, halika
R-ito sa aking kanlungan
A-kin kang iingatan.


-Jennipots Gabrino Potot 

--

NASAAN

Saan na napunta, tikas ng 'yong katha?
Ang sabi ni Jose ikaw ang pag-asa,
Verbo ni Tasyo ikaw ang makaka-unawa,
Eh hindi ko nga alam, kilala mo ba sila?

Lualhati Bautista, Bob Ong, Balagtas
Ilang likha na nila ang nabasa mo na?
Tatanungin kita ngayon Jose,
Estado ng literatura, may pag-asa pa ba?

Ramdam ko ang panghihinayang,
Ang talento na isinalin sa kabataan,
Tila hindi nagagamit sa kahustuhan.
Umaasa padin ako, na kayo nga ang pag-asa 
Responsibilidad nyo ngayon na ang literatura ay isalba
Eto na ang inyong pagkakataon na buwagin ang bulok na sistema

-Eugene K Mendiola 

-----


Rugby

Mata mo laging mapungay
Asta laging lantang gulay
Rurok ng tagumpay ang naabot
Ciudad ng Maynila kanyang inikot
Elemento ng tama niya sa droga
Lulong masyado sa sipa, nakatayo-
Ornamento ni Rizal sa kanyang tapat

Sumisilaw ang ilaw ng jeepney
Ang kanyang nakikita'y kinukumpuni
Ng mga gawa-gawang konsepto,
Tindig ng kanyang mga kwento,
Oras nasa ibang dimensyon,
Swak na swak ang kanyang Ilusyon

Ilusyong lumiliwanag,
Ilusyong hindi nagpapatinag
Ilusyong "Rugby" ang tawag


-Juan Miguel Estocio


----


Fush Mo ’Yan, Teh!

Sige pa, sige pa, type lang ng type!
Ang mga maling pagbaybay ay isa na ngayong hype!
Verdugo-Bertigo! Facking tape at Fush!

English man o Filipino, sobra nang na-a-abuse!
Limot na sina Sicat, Matute at maski si Rizal,
Inunti-unti sila ng mga manunulat na bangag at hangal!
Tiniris ang kanilang naiambag gamit ang kasikatan at pera,
Engganyong-engganyo ang mga kabataang tanga!
Rikit ng kathang siksik at liglig sa romansa
Anong nangyari? Napalitan ng libog at pagnanasa?
Tanglaw ng akdang umaapaw sa aral ng buhay,
Uhaw ngayon sa damdamin at wala nang kulay!
Raket ng iilan huwag sanang pamarisan!
Entrada, sagipin ang literatura, sama-sama natin silang labanan!


-Erin Villanueva Ragudo

------------

SAVE LITERATURE

Sila'y nagsusulat para makilala ng madla
Ang mga gawa ko'y siguradong hindi mababasa.
Valid pa ba ang library ID mo?
Aba eh halika, magbasa tayo.

Lagi na lang tungkol sa pag-ibig ang mga libro ngayon,
Iwasan ko man ay, ito ang laman ng mga tindahan ngayon.
Teka teka teka, mayroon pa yatang pag-asa.
Eh paano 'yan? Walang paki-alam ang masa.
Responsibilidad nating mag-aral ng mabuti.
Aralin ang nararapat- huwag basahin ang mali
Tugma sa tulang iyong proyekto ay 'di magawa.
Uunahin mo pa iyang librong walang ka-kwenta-kwenta.
'Romance Comedy' siguro ang kategorya ng libro iyong binabasa.
Eh ang bibliya? Nabasa mo na ba?

-Bianca A. Barrozo 

--------


Subalit 

Sagipin ang literatura gamit ang iyong akda 
Akdang mapupulutan ng aral sa isip, sa puso't sa gawa 
Gawa na tapat kaya nararapat lang isulat 
Isulat ng buong puso sa papel dahil maypakialam 
Pakialam sa mundong ginagalawan kaya dapat ipaalam 
Ipaalam ang adhikain sa pahinang puno ng kaalaman 
Nalamang mga bagay nasa libro'y inilalarawan at isinabuhay. 

Aba'y bakit? Ngayo'y mga manunulat sinisira't tinatapakan 
Natapakan na nga'y nilugmok pa, bakit 'di gabayan? 
Gabayan sa pagsulat ng panitikan at 'wag ilubog. 

Lubog nasa kamalian bakit ang tulong ay ipinagkait 
Ipinagkait ba para may pupunahin pa rin at tatanawin? 
Tanawin ang panitikang Pilipino noon, modernisasyo'y ito bang epekto? 
Epekto ng bagay na madali na lang kaya wala ng rasyonal na tao? 
Rasyonal bang maituturing silang umaaktong henyo sa akala 
Akala dahil nagmamagaling lang naman sila hanggang sa katapusan. 
Tapos na ang noon, literatura ngayo'y tulungan para umaasenso 
Umaasenso nga tayo sa teknolohiya ngunit sa panitikan bakit ganito ang resulta? 
Resulta ba ng manunulat na walang alam o ng may alam ngunit walang pakialam? 
Ah, alam ko'y literatura ang nais sagipin ngunit... subalit...

-LM Santos

-----

 HOMONUNULAT

Silid-aklatang
Alikabok ang parokyano.
Verso ng kabataa'y
Esterong mabaho.

Limbag ng awtor na
Iskribyente ng alembong,
Talamaliang
Eklipse sa pusong mamon.

Ribolber ng pagkatuto,
Atin nang kalabitin.
Talamak na ang ulayawang
Ubod sa sagimsim.

Rindi na kami sa pandidiri.
Ebolusyon ng titik... tumabingi.

-Rivas Chavez

---

SUMON SA PAKIKIDIGMA-

Sanduguan sa isang adhika ay nailunsad nitong tadhana
Awtor ang mga makata na siyang magpapamulat sa'ting masa
Vamos,amigo! sumama ka't humayo tungong pakikidigma,
Espada nga nati'y ang panulat,laban sa mga magbabanta!
Layon ng angkan, imik mo ngayon ay iyong gawing ingay;
Isalba natin itong mundo na dati'y hitik sa sining at kulay.
Talastasin mong ikaw'y masusubok, anopa't balang araw nga'y tatayog. 
Estranghero't di batikan o tampok,
anopa't sumama nawa sa indayog. 
Riles ng pagkamakabayan siyang sayo'y patas na gagabay.
Aranya natin ay ang katuwiran ,upang matiyak ang tagumpay. 
Tayo na sa galawang ito, na ang katotohanan ang itinatanyag,
Unatin yaong pagkatao't ngayon mismo tayo maglalayag. 
Rumaragsa man ngayon, mga kaaway na lapastangan sa literatura,
Espada nga nati'y ang ating mga panulat,laban sa mga magbabanta!

-Er'm Ch'll 

----

Sumampa ka na,
At maglayag sakay sa,
Vinta,
Eneengganyo ka magbasa ng mga susunod na litanya,

Lingwistikal na mga ideya,
Inipon,hinabi't pinagkaisa,
Tatangayin ka sa mundong kakaiba,
Ebolusyon sa mga makabagong pahina,
Retorika,
Ang masining na paggamit ng wika,
Tumatakas sa mababang pamantayan sa lupa,
Umaangkas sa paglipad ng kaisipang malaya,
Rosaryo,para sa mga nananampalataya,
Ebidensiya ang literatura ng tunay na paglikha.

-Governor Ralph John Rafael 
---

Do not Read

Salbahin ang literatura
Asintahin ang manunulat
Vision ay palawakin
Ehemplong mabuti ay ilathala

Likumin ang mabuting ideya
Ilathala para sa kabataan
Tumalakay ng makabuluhang paksa
Edukadong manunulat kailangan ng bayan
Rurok ng tagumpay, ating malalasap
Aabutin ang asul na alapaap
Tinta ang nananalaytay sa aking ugat
Utak ang gamitin sa pagsulat
Reaksyon ng mambabasa ay mahalaga
Etiko sa pagsulat ay huwag ipagsabahala

Levi Val Umipig Modelo 

----------

DAMHIN AT MAHALIN MO ULIT

Sabi ng karamihan ika'y nalimutan na
Ang pagbabasa ng ganito ay pang- akademya na lamang
Versus sa naglipanang babasahin
E para sa kanila mas may laman daw sila

Laganap man sa iba't ibang social media
Ipagkumpara may hindi matatawaran 
Tulad ng magagaling ng manlilikha 
Edgardo,F.Sionil,Ka Amado, Jose Corazon de Jesus, Balagtas, Rio Alma sila ang aking nakamulatan
Rogelio Sicat, Joy Barrios, Matute, Mabanglo aking hinahangaan
Ang mga bagong binhi ay pinagpapatuloy ang pagyayaman sa Panitikan
Tulad ng iilan makabagong Balagtas; Corosa, Jarin, Gojo Cruz,Atalia sila' y aking sinusundan dapat parisan
Upang ang bagong henerasyon ay muling yakapin nakagisnan na Panitikan
Request ko lamang sa' yo kaibigan, wag kang stick to one sa genre.
E- book man tayo ngayon sa 21st tandaan mas masarap,humawak, magbasa ng totoo at makabuluhang kwento na hindi mawawala ngayon hanggang magpakailanman.

-Maria Paula Orolfo Damasco 

-------

Kapag gumanti ang tunay na manunulat

Sandamakmak na raw ang iyong akda
Ang dami-dami mo rin daw tula
Verbatim ka pa kung kumopya ng salita
Eh sa mata ng makabuluhang panitikan, sino ka?

Landi - laklak - libog - lumobong-tiyan - laglag - laslas
Incestous love, "rich boy meets poor girl"
formula ng mainstream telenovela, ginamit mo na

Teenager na lust-driven, hipster na manyak,
Elististang gangster, love triangle, atbp.
alipin ka na rin ng konsumeristang siklo ng bansa

kaya...

Ragsa ng galit ay dama
Ang daming manunulat na matiyagang:
Tumitipa ng mga piyesang ikalalaya ng masa
Umaakda ng mga tulang sumasagasa sa sistema
Ramdam mo na ba ang tumitinding galit nila?

muling uulit ang tanong...

Eh sa mata ng makabuluhang panitikan, sino ka!

-Jah Rosales


---------

Rebulusyong Panliteratura

Sabi nila, malahalaga ang literatura,
Ano baga ang aking nakikita!!
Vernaculo na panunulat, kanyang sinira na,
Ewan ko kung bakit may nakikisimpatiya!!

Literatura sa bansa, ngayo'y nasisira na,
Isang tao lamang ang sinisisi ng madla;
Talaga namang tampulan ng galit at inis,
Engrande man ang mga tagahanga, hindi ako kabilang,
Rumaragasang tunay, yaring mga demonstrador,
Ang akin lamang ipinagtataka, anong nangyayari?
Tama ba ang aking nakikita?
Umuusad na ang kilusan,
Ragasa kung ituring, aking napansin,
Elegante pala ang nagagawa ng paglaban para sa literatura.


-Rory Ycong

no image
Salot lang Daw Kami?
Dati'y palagi akong nakakatikim nang suntok. Bugbog sarado kay tatay pati na rin kay kuya. Wala akong ibang magawa kundi ang umiyak. Galit sa akin si ate maski si nanay. Isa raw akong salot sa lipunan. Labindalawa kaming magkakapatid. Ako ang bunso. Karamihan sa kapatid ko ay maton. Dalawa lamang kaming babae. Este isa lang pala ang babae. Apat na taon ako noong natuklasan kong ganito pala ako. Masaya ako tuwing kinukulot ko ang buhok ko gamit ang tangkay ng acacia. Ginagamit na miniskirt ang tuwalya. At higit sa lahat masayang kinukulimbat ang lipstick at foundation ni nanay sabay pahid sa labi kong makapal at mukha kong hugis mansanas. Dahil sa maitim ang aking tuhod, kinuha ko ang mena ni ate. Pinahiran ko ang tuhod ko hanggang sa maging maputi. Ayos na. Maganda na ako. Rumampa na ako sa kabilang baryo. Masayang-masaya ako sa sigawan ng mga tao. Hanggang sa makita ako ni kuya. Ang ngiti sa aking mga labi ay biglang naglaho. Nanginginig akong umalis sa aking kinatatayuan. Pag-uwi ko sa bahay, binugbog na naman ako ni kuya. Hindi ko na mabilang ang mga palong natanggap ko mula sa kanya. Sa sobrang galit ni itay, ibinitin ako sa punong dinudumog ng hantik. Pinaluhod naman ako ni ina'y sa asin. Pinalabhan sa akin ni ate lahat ng damit namin. Gusto ko nang sumuko. Hirap na hirap na ako. Bukod sa pagod na ako'y hindi pa ako nakakakain nang maayos dahil hindi sapat ang kinikita ng aming pamilya. Hanggang sa isang araw napadesisyunan kong umalis. Hindi na ako nagpaalam sa kanila. Nagpunta ako sa Maynila. Nagbabakasakaling gumanda ang aking buhay. Diskarte lang ang ginawa ko, nagtrabaho ako sa karinderia ni Aling Melly. Nakalibre ako ng pagkain. Sa kanila na lamang ako nakituloy pansamantala. Hindi ako nakuntento sa ganoong trabaho. Pagkatapos kong magtinda sa karinderia derecho ako sa parlor ni Bebeng Shoding. Magdamag bukas ang parlor na ito. Doo'y tinuruan nila ako kung paano ba mag-manicure at pedicure. Kung paano gumupit ng buhok at mag make-up. Naaliw ako sa aking ginagawa. Labis ang aking kagalakan tuwing pumapasok sa trabaho kong iyon. Dumating ang araw na nagkaroon na ako nang magandang oportunidad upang magpatayo ng sarili kong parlor. Hindi naglaon naging tagumpay ang negosyo kong ito. Sa bawat hagod ng suklay kaakibat ko rito'y pagmamahal. Sa bawat paghugas at pagkulay ng mga daliri nila, ipinararamdam ko sa kanila kung gaano kakulay ang mundong tinatahak nila. Ganoon din sa paglalapat ko ng kolerete sa mukha nila. Ipinakikita ko na sa kabila ng mga pangit na nangyari sa kanila'y maaari pa rin itong mapaganda gamit ang malikhaing kamay nila. Heto ako ngayon, nakapundar na ng sariling bahay at lupa. Kumikita na nang malaki, nag-ampon ako ng batang babae upang may makasama sa buhay. Sa kabila nitong tagumapay na dinaranas ko, hindi ko pa rin kinalimutan ang mga mahal ko sa buhay. Sa kabila ng mga hagupit at latay na natamo ko sa kanila, ang pusong babae ko pa rin ang umiral upang sila'y muling balikan at tulungan. Kung sino pa ang kinawawa at sinaktan nila noo'y siya rin ang tutulong sa kanila ngayon. Sino ngayon ang nagsasabing salot lamang kami sa lipunan?


-Princess CalaCala
no image
Eskwela ni John Robert Luna (excerpts)
Lesson1-
We Don’t Need No Education…
-Pink Floyd (Mula sa The Wall)
Lahat kami ay dumalaw sa ospital noong hapong iyon. Malala na raw kasi ang kondisyon ni Bb. Cheng, at malapit na raw bawian ng buhay. Umaagos ang luha mula sa mga mata ng aking mga dating kamag-aral na nakapaligid sa kama ng matandang guro—Malamang ay ‘di na naaaninag, ni namamalayan ng kanyang napupunding ulirat kung sinu-sino ang mga naroon.
Ewan ko kung kaninong pakana ito, na pati sa huling hininga ng guro ay makakasama niya pa ang mga batang kinaaasaran niya—Sabi niya raw kasi, noong kalakasan niya pa, sa isang co-teacher na, “Mamamatay akong guro, at gusto kong bawian ng buhay sa piling ng tangi kong pamilya—ang paaralan," nakakagulat ding isipin na literal ang pagkakaintindi ng mga bobong kasama niya sa winika niyang ito.
*
Matandang dalaga si Ma’am, masungit at matandang dalaga. Kung may salita na maglalarawan kay Ma’am, iyon na yun, “Masungit” at “Matandang Dalaga.”
Filipino ang tinuturo ng guro, at ang pinagdalubhasaan niya ay kung saan bang parte ng katawan ng tao ang pinakamasasaktan pag-kinurot, at kung ano ba ang angkop na salita ang wawasak sa “self-esteem” ng mga makukulit na bata.
*
Galit si Ma’am sa maiingay na bata.
Galit si Ma’am sa makukulit na bata.
Galit si Ma’am sa mga natutulog sa klase.
Galit si Ma’am sa mga walang assignment sa pangngalan, pambalana, pangatnig etc.etc.
Mahigpit na ipinagbabawal ni Ma’am ang pag-pihit ng ulo sa mga eksam, at ito ay sinusuklian niya ng pag-punit sa test paper.
Mahigpit ding ipinagbabawal ni Ma’am ang pag-nguya ng chewing gum, na pinalulunok niya sa mga nahuhuli.
At higit sa lahat, matinding-matindi ang galit ni Ma’am sa mga estudyanteng ahit ang kilay, nagsusuklay, nagm-make up, at tumatanggap ng manliligaw, o di kaya’y maroon nang mga syota..
*
Ang leksiyon naming nung araw na iyon ay tungkol sa mga ponema, at ang aming teksto ay mga xinerox na halaw sa SEDP na libro na ibinibenta niya sa halagang talong-piso isa.
Ang hindi bumili ay may kotong.
Ang bawat isa ay inaasahang makasagot sa mga katanungan niya, matapos ang apat at kalahating minutong pagbabasa ng Xerox at limang minutong nakakaantok na pagno-nobena ng leksiyon. Ang isip ko nama’y nakapokus kay Lucille, na nakaupo, talong desk ang layo sa akin.
Ang cute niya, wika ko sa sarili habang pinapanuod ko ang galaw ng kanyang mga labi, habang sinasaka nito ang bawat linya’t taludtod ng hand-out na pinapabasa sa amin.
*
Bad trip, nahuli ni Ma’am ang paghikab ni Lucille.
Pinatayo siya ni Ma’am sa silya at pinakanta.
Namula sa hiya si Lucille, at tumulo ang luha sa kanyang mga mata habang umaawit siya ng kanta ni Regine Velasquez.
*
Sinasabayan ko ang galaw ng labi ni Lucille.
Iniimagine ko na hinahalikan ko ang labing iyon. Tinatabingan ko ng hand-out ang mukha ko para hindi Makita ni Ma’am kung sa’n ako nakatingin.
*
“Nakakaawa naman si Ma’am,"
wika ni Abbey, habang pinagmamasdan naming ang gulay na maraming nakatarak na tubo at aparato sa katawan.
Ewan ko kung bakit sa kadami-daming p’wedeng pumasok sa utak ko, iyon pang sinabi sa akin dati ni Lou ang naisip ko.
“Virgin pa yang si Ma’am.”
*
Inutusan ako ni Ma’am na bumili ng fishball sa kanto, binigyan niya ako ng limang piso, wala man lang tip.
Pagbalik ko wala man lang thank you.
*
“Michael," tinawag ni Ma’am ang aking pangalan.
Patay! 'Di ko pa nababasa ang hand-out, busy pa kasi ako sa pakikipag-sex kay Lucille.
Putang Ina! Ginising ako ni Ma’am.
‘Di ko narinig ang tanong.
‘Di ako nakasagot.
‘Di ito pinalagpas ni Ma’am.
“Tayo at harap sa blackboard hanggang matapos ang klase.”
Napahiya ako. OK lang, nakangiti naman si Lucille.
Pero kahit na.
Nagmukha parin akong tanga.
*
“Takbo!”, sigaw ni Roy.
Nagtakbuhan kami, paglabas ni Ma’am sa faculty ng Filipino Department.
May hawak siyang walis.
Ang maabutan niyang nasa paligid ay inuutusang magwalis ng departamento.
“May klase po ako,” pangangatwiran ni Jeremy.
“Klase? Diba recess ngayon?”, wika ni Ma’am habang hinahatak niya sa kuwelyo ang nabitag kong kaklase.
*
Pagpasok ko sa library, naghanap ako ng lugar na malayo sa mga mata ng mga tao pero malapit sa bintana.
Dito ako nag-susulat ng mga outline ng mga short story na ginagawa ko.
Biglang may tumapik sa likod ko.
“Hoy Michael!”, sabi ng babae sa likod ko.
“Sssssh,” sabi ng librarian na napadaan.
Si Shen pala.
“Nag-transfer ako dito.Grabe, di ko alam na dito ka pala pumapasok," sabi niya.
Balik freshman siya. ‘Di na-carry ang mga grade niya sa dati niyang kurso.
*
Kuwentuhan kami, tapos kape sa luncheonette sa MB.
“Oy, alam mo ba ang nangyari kay Ma’am Cheng?”
“Ano?”, tanong ko.
“’Di ba gulay na siya nung gumradweyt tayo ng Highschool? Ngayon daw malala na talaga ang lagay niya.”
“Ano ngayon?”
“Wala lang, naalala ko lang.”
*
Buwisit, halos dalawang buwan ko nang hindi nakikita si Lucille. Nasan na kaya siya?
*
Pinag-basa kami ni Ma’am ng “Kuwento Ni Mabuti” na makikita sa page 50 ng textbook na required naming bilhin sa halagang P250.00. Wala ang atensiyon ko sa kuwentong iyon, sapagkat ang aking mata ay nakatingin kay Lucille—Shit, ang pungay ng mga mata niya. Halatang puyat siya, kasi alam ng lahat na sobrang sipag niya sa pag-aaral.
Palakad-lakad si Ma’am Cheng.
Haaaayyy…Ang ganda talaga ni Lucille.
Nabasag ang katahimikan ng pinalo ni Ma’am ng patpat ang patungan ng kamay sa desk ni Lucille.
“Intrimitida! Sino ang nagsabi na pwede kang matulog sa klase ko?!”
Kitang-kita ko ang lahat.
Buwisit, hindi naman natutulog si Lucille, humihikab lang siya at napapapikit sa antok.
Natural lang naman yun, lalo na sa klase ni Ma’am na ubod ng boring.
Naghagikgikan ang mga estudyante habang pinaparusahan ni Ma’am si Lucille.
Nung isang buwan si Joseph ay nahuling natutulog, nung isang araw ay si Amanda, may tatlong buwan na ang nakakalipas nung nahuli ako ni Ma’am sa aking pagkakahimbing.
Nakakatawa ang mga parusang ipinapataw.
Halos sumakit ang tiyan ko nang pinakanta si Joseph.
Pero, poot ang nadama ko nung pinatayo si Lucille sa silya at pinakanta.
*
Hindi siya ang tipo ng babaeng pinapahiya. Kagalang galang siya.
*
Hindi na nakita ni Ma’am Cheng ang pag-gradweyt ng advisory class niya na IV-Guijo, na-coma na siya matapos ang malagim na pagkakahulog sa hagdan ng Drilon Hall.
Dalawang linggo kaming walang klase, may dumadalaw kay ma’am na mga titser namin. Ang mga ka-department naman niya ay toka-toka sa pagbabantay kay Ma’am sa ospital.
*
Huling linggo ng klase, maayos na natapos ang periodical test, nakuha ang grade, at napirmahan ang mga clearance.
Dumating ang graduation: Walang Ma’am Cheng.
Hindi na umattend ng graduation si Lucille.
Naglaho siya matapos niyang makuha ang mga grade niya, Valedictorian.
Hindi ko na siya nakita pagkatapos noon.
*
“Michael, samahan mo ako.”
“Sa’n tayo pupunta?”
“Pinabili ako ng scramble ni Ma’am.”
“Sige.”
“Pare, gago ka!”
“Hindi naman ito malalasahan ni Ma’am e!”
“Putang ina mo!”
“Hahaha!”
*
Alas-siyete ng umaga ang simula ng klase namin, at ang classroom namin ay nasa Annex 5, siksikan kami sa kuwarto.
Halos pitumpu kami sa section namin.
Adviser namin si Ma’am Cheng.
Pang-anim na section kami sa over-all ranking.
Siyempre, andun sa amin ang mga bobo, makukulit at maiingay na estudyante.
Andun din ang mga pokpok, adik at gangster.
Pero, hindi lahat ng mga estudyante ng 4-Guijo ay mga kupal. Mayroon ding galing sa higher sections nung 3rd year.
Ako ay galing sa 3-Active, ganun din si Xavier. Nagkataon lang na bumagsak sa dalawang subject si Xavier, ako naman, running for valedictorian daw kung pumapasok lang daw ako araw-araw at kung ‘di ako nahuhuling nag-yoyosi sa CR.
Nandun din sa amin ang mga transferee, na bagamat ay matatalino ay ‘di naman puwedeng mapunta sa higher sections dahil limited lang ang slots dun, at hindi valid ang grade nila sa ranking ng eskuwela.
Kasama dito sila Lucille at si Odessa.
Hindi bagay sa section namin si Lucille.
Sa unang klase, madalas ay homeroom kami- lalo na kung lunes, kung saan kami ay inaatasan ni Ma’am na linisin ang classroom.
Bunot. Bunganga. Walis. Bunganga. Tapon ng basura. Bunganga. Floorwax. Bunganga. Punas ng basang basahan sablakboard. Bunganga. Siyempre. Pupungas-pungas pa kami dahil sa antok.
Bawal ang babagal-bagal, at bawal ang nagm-maganda.
Pag Martes hanggang Biyernes, klase kami: Pangatnig. Saway. Balarila. Pingot. Pagbasa. Bunganga.
Torture ang klase ni Ma’am- Ubod na ngang boring, ay sobra pang taray ni Ma’am.
Buti na lang at masipag pumasok ng maaga si Lucille: Ginaganahan tuloy akong pumasok at tiisin ang ubod na nakakabagot na klase.
Madalas mag-bunganga si Ma’am, lalo na sa mga estudyanteng nasa huling row sa likod.
Siyempre, dahil sa akala nilang ‘di sila napupuna ni Ma’am- dun nagkukumpulan ang mga bading at ang mga mahaharot na mahilig mag-make up, ang mga madadaldal at mga chismoso, mga antukin at lahat ng tamad mag-aral.
Sana dun na lang ako, atleast kahit paano ay makakapagnakaw ng idlip.
Pero, sa 3rd row ako-napapwesto malapit sa unahan.
Okay lang, malapit naman ako kay Lucille.
*
Kaklase ko sa Ekonomics, Isyu at Proseso si Tricia. Tuwing oras ng klase dito, lalo na pag-boring ang prof, nagtatabi kami sa silya at madalas naming pinagk-kuwentuhan yung highshool days namin.
Hindi ko siya naging kaklase sa 4-Guijo, pero naging teacher niya ng 1st year si Ma’am Cheng.
Iba talaga ang nostalgiang hatak ni Ma’am, buong sem na yata naming pinaguusapan ang mga kapalpakan ng inutil na ngayon na matanda, pero hindi parin kami maubusan ng mga anekdota, kutya at lait para sa mahal naming maestra.
“Okay, according to Karl Marx, the working class…blah blah..”
“Naaalala mo pa ba si Xavier?”
“Gago, naging syota ni Melai yun, bakit?”
“The modes of production…”
“Hihihi. Blahblahblah…”
“Si Ma’am, galit na galit…Hihihi…Blahblahblah…”
“Blahblahblah..Tsktsktsk. You two at the back! Stop talking!”
“Sir, pinaguusapan lang namin yung gagawin namin para sa film showing project mo.”
“Mamaya na yan. Lesson tayo ngayon.”
*
Si Adrian ay isang bading, tulad ng ibang kasing edad niya na nasa puntong pagdadalaga, natuto si Adrian na maglagay ng kolorete sa mukha.
Madalas, pag-oras ng mga boring na klase, sila ng mga babae sa huling row ay abala sa pagsusuklay at pagbubudbod ng Pond’s Face Powder sa mukha.
Ang mali ni Adrian nung araw na iyo ay nung subukan niyaang pasensiay ni Ma’am.
Habang tinatalakay ng guro ang “Impeng Negro", narinig niya ang hagikhikan sa likuran at sinawing palad na nahuli niya si Adrian na parang espasol ang mukha dahil ‘di niya pa napapahid at naikakalat ang pulbos sa kanyang mukha.
Pinikot ang tainga, napaigtad ang bakla. Hagikhikan ang mga bata. Kinuha ng maestra ang pulbos sa kamay ni Adrian at binuhos ang laman nito sa ulo ng kawawang nagdadalaga. Nagmukha siyang Mt. Fuji na may snow sa tuktok, naging kahawig niya ang espasol at durog na pulburon.
*
Sa lobby ng ospital, nagkita kita ng mga ka-batch ko sa 4 Guijo.
Guro na si Jed.
Magm-masteral na si Maximiliano. Nagtuturo sa highschool si Emmanuel.
Ganun din sila Migs, Jobelle, Adrian at Serafin.
Teacher sa elementary si Xavier, at si Menggay ay nagtuturo sa mga mongoloid at autistic. Sila Ronnie ay nagtuturo sa isang pribadong montessori.
Si Shen ay kasalukuyang nag-aaral sa unibersidad na pinag-gradweytan ko, 2nd year Educ major siya, matapos magshift mula sa Comm Arts. Ako ay nagtuturo ng Creative Writing sa isang eskuwelahan na progresibo at eksklusibo para sa mga batang nalilinya at may talento sa sining at anak ng mga wasak na magulang
Nakapagtataka. Coincidence ba ito?
Lahat kami ay guro, o mag-guguro.
Pero, di ko na iniisip yun kahit gaano ka-weird at illogical..
Ang tumatakbo sa isip ko ay kung nasaan basi Lucille.
*
“Astig ka Brent! Binili ka ng nanay mo ng celphone!”
“Wow! Kaya mong bumili ng load!”
“Brent, ano ang number mo?”
“Lucille, 09167840473.”
“Okay, text text tayo ha.”
“Brent, bakit ka umiiyak?”
“Michael, patay ako sa nanay ko.”
“Bakit pre?”
“Na-confiscate ni Ma’am ang celphone ko, pinapatawag sa opisang nanay ko.”
“Pare, 'wag kang umiyak ang tanda mo na!”
“Pare, pinapatawag ni Ma’am ang nanay ko.
Hindi ang celphone ang problema ko!
Pag nagpunta si mama dito, iisa-isahin ni Ma’am ang lahat ng mga ginawa kong kalokohan dito!”
“Patay ka na nga.”
*
Labis na napahiya si Lucille sa ginawa ni Ma’am sa kanya.
Ako rin.
Labis akong nasaktan sa ginawa niya sa mahal ko.
*
Naging teacher din ng kuya ko si Ma’am. Kuwento pa nga ay nagpapakain daw ito ng chalk sa mga estudyante.
Astig diba? Para siyang gago!
Ewan, basta ang kuwento ni kuya, “Miss Tapia” daw ang bansag nila sa guro.
Nakasalubong namin ni kuya sa SM si Ma’am isang araw.
Entra ni Bb. Cheng, “O, Rex! Ang laki mo na pala ngayon! Graduate ka naba?”
Siyempre, tambay lang si kuya, kaya ang tanging nasabi niya lang ay:
“Ang ganda niyo parin ngayon Ma’am.”
Siguro ay succesful na tao na si kuya ngayon kung di lang siya nagkaroon ng trauma at phobia sa pag-aaral at sa pagpasok sa skul.
*
Muntik nang ‘di nakagraduate si kuya ng hayskul dahil pinalakol siya ni Ma’am.
Kaya lang siya nakapasa ay dahil iniyakan siya ni mama, pinakiusapan at dinalhan ng isang kaing na prutas galing sa probinsiya.
*
Madami akong matataray at masusungit na prof sa kolehiyo, pero karamihan sa kanila ay hindi asal ang pinapakita kundi professionalism.
Kung mapapalabas ka sa klase, o di kaya’y mababara at mapapahiya-malinaw na ikaw ang may pagkakamali at hindi sila.
Sa loob ng klase, dun mo makikita ang lugar mo. Estudyante ka, professor sila-- pero hanggang dun lang ang sakop ng kanilang authority.
Sa kolehiyo ko rin lamang nalaman na puwede kang sumagot at mangatwiran sa mga prof, lalo na kung nasa tama ka at siyempre pwede kang lumiban sa klase at mag-cutting ng di ka pakikialaman, basta ba makukumpleto mo ang requirements at makakapasa ka sa mga exam.
Sa college di mo na kailangang mag-over the bakod para makauwi pag-inaantok ka.
Sa college di ka pwedeng batukan ng titser.
Gets ko na kung bakit tumanda si Ma’am nang hindi nakakapagturo sa college. Mga bata lang kasi ang kaya niyang gaguhin.
*
Lunes, homeroom.
Martes-para kaming grade one. Inspection, kung 2x3 ba ang buhok mo; mapahaba lang ng kaunti, ukab.
Titignan din ni Ma’am ang mga kuko mo at pag mahaba- palo ng stik sa kamay.
Titignan ni Ma’am kung sobrang haba ang palda ng mga girls. Pag may violation gugupitin ang laylayan.
Pagkatapos ng routine inspection, uutusan niya ang secretary na magsulat sa balackboard ng ubod nang habang selection mula sa libro. Chini-check ni Ma’am ang notebook tuwing Biyernes, kelangan kumpleto ang lecture mo kung ayaw mong mapatapon sa labas ang notebook mo.
Nakaupo lang si Ma’am sa desk gumagala-gala ang mga masusungit na mga mata, at alerto ang tengasa bawat kaluskos, bulong at ringing tone ng celphone.
*
Nag-online ako kanina, friendster.com.
New messages, approve ng invitations at basa ng mga bagong comment.
Kenny: Astig ka sir! Rock Rulez!!!
Cyco Brocka: Pare, pakisabi nga pala na available na for download ang “Gerilya” sa 
http://www.bookay.multiply.com. Gawan mo rin ng magandang shit yung “Mondomanila”.
Jennifer: ^___^, He is not just a good teacher, he is also a good friend and a wonderful lover.
Islawrence: Hoy Kupal!! Dalawang taon ka nang di nagpaparamdam ha!
Mitch Treze: You Rock Sir!!! Rak Rulez!!
Twilight Vampira: Emo rules!!
j.luna: Pare, wasak ka! Di ka na nagpaparamdam ha. Oo nga pala, astig ang translation ni Kit Kwe sa gawa ni Iwa na “Pulutan”. Taena, nabasa mo na ba ang”Responde”? May tinda kami sa Bookay-Ukay.
Adrian: Last time na nakita ko siya ay nung nasa hospital kami to visit an old teacher. He has changed a lot through the years. Mas abnormal na siya ngayon!! Peace Out Man! Rock On. Nice dreads nga pala.
Pagkatapos mag-approve ng invitations, nag-log out na ako.
Dalawang taon ko nang sini-search si Lucille Manawag. Pero wala talaga.
Excel muna, encode ng lesson plan para bukas.
Log –in uli, sa facebook naman.
Porno. Chatroom. MP3 Download.
Log-out. Turn Off.
Boredom.
Tulog.
*
Naglalakad ako sa pasilyo sa pagitan ng mga annex, tangan tangan ko ang chalkbox, at ang compilation ng mga lesson plan na pinahiram sa akin ng aking CT na si Ms. Acosta.
Sa bawat room, bumabalik ang mga alaala.
A-6, dun ako nag 4th Year.
Dati sa ganitong oras si Sir Cruz ay nagtuturo ng walang kamatayang mga breed ng kambing at baboy, o 'di kaya ay ang iba’t ibang paraan ng marcotting , splicing at parte ng buto ng munggo sa kabilang building yung malapit sa CR, sa Perez Compound.
Kasi pag ganitong oras cutting ako at tumatambay sa gilid ng Perez, wala ako sa Annex 6. Dun ang mga first year na hinahawakan ni Cruz “panot”.
Napadaan ako sa A-6, first year na ngayon ang nkastation sa room na iyon.
“Ayon sa batas Tidings Mcduffie…”
Sabi ng guro, sumulyap ako ng saglit. 'Di ko kilala ang gurong ito, siguro bago.
Sa A-5, isang lumang mukha-- Si Ma’am Narciso, na nagtuturo parin ng kasaysayan ng Pilipinas.
Nakarating ako sa Linda Cheng Building. Dito ako natoka sa mga 3rd Year. Dun ako sa room 105, manghang-mangha ako—
Hindi sa mga pagbabago, kundi dahil sa kung bakit ipinangalan kay Ma’am ang kagalang-galang na gusaling ito.
Practicum ko na at dito ako natoka sa lumang eskuwela at dun pa sa building na alay kay Ma’am.
*
Nakakainis, Biyernes nanaman! Sa araw na ito, hindi kami kaagad pinapauwi dahil pinaglilinis kami ni Ma’am Cheng ng clasroom.
Ang mga babae ang taga-walis at taga-floorwax at ang mga lalake ang tagabuhat at taga-labas ng desk, taga-bunot ng sahig at taga-balik ng desk na inilabas namin.
Pagkatapos noon ay mayroong malas na inaasign na magtapon ng punung-puno naming trash can sa incinerator.
Napakasuwerte ko talaga,sa wakas ay makakasama ko si Lucille.
Kami ang na-assign na magtapon ng basura. Ang baho, pero okay lang. Kasama ko naman si Lucille e
*
Humagulhol si Adrian, at kinausap siya ni Joseph at ni Amanda.
Pinapatahan nila ito.
Nag-init ang ulo ni Ma’am, binato sila nito ng eraser.
“Magsilabas kayo, ang iingay niyo!”
Walang nagawa ang tatlo kundi ang lumabas na lang at magmukmok.
*
Sa daan patungo sa incinerator, sinolo ko ang pagbitbit ng ubod ng bigat at umaapaw na basurahang gawa sa latang biskwit.
Feel na feel ko na bayani ako, na kinakarga ang lahat ng pasakit ng mahal kong prinsesa at siyempre, sino bang Kenshin Himura ang papayag na bumaho ang kamay ng kanyang Kaori.
Hindi umiimik si Lucille habang dumadaan kami sa Annex, DOST, Building Donated by Sen. Freddie Webb at sa lumang chapel.
Hindi ako maka-entra ng salita kasi nahihiya ako.
Palubog na ang araw, atang kulay orange na mga sinag nito ay nagpapatingkad sa maamong mukha ni Lucille.
“Putang ina mo Ma’am," wika ko sa srili.
“Dito ka lang sa baba, ako na ang magtatapon ng basura sa sunugan," sabi ko kay Lucille. May halong pasikat ang tono ng pagsasalita ko. Tumingin siya sa akin, at nakita ko ang bakas ng ngiti mula sa kanyang mapupulang mga labi.
Lumulubog ang sapatos ko sa bundok ng sunog na styro, dahon, tetra pack ng zesto, abo at kung anu-ano pang mabaho at mamasa-masang basura.
Nakarating ako ng tuktok, at dun ko binuhos ang laman ng aking tangang lata.
Tumingin ako sa baba, andun pa rin si Lucille, abalang abala sa pagt-text.
Pagkababa ko, tumingin si Lucille sa akin, ngumiti siya-- nag-thank you, at nagpaalam.
Nauna na siya.
Ako nama’y dumiretso sa poso upang bombahan at banlawan ang basurahan.
Sa paglalakad ko pabalik, isa lang ang nasa isip ko—
Shit!!!
Ang tanga tanga ko talaga!
Lesson 2-
The teacher stands in front of the class 
But the lesson plan he can't recall 
The student's eyes don't perceive the lies Bouncing off every fucking wall
His composure is well kept
I guess he fears playing the fool
The complacent students sit and listen to some of that 
Bullshit that he learned in school…
-Rage Against The Machine (mula sa Take The Power Back)
Naiinggit ako kay Sammy kahit nabasted siya ni Lucille.
Kahit paano’y naranasan niyang sabayan si Lucille sa jeep, sa canteen, sa hall. Naranasan niyang kargahin ang bag at ang mga libro ni Lucille.
Natikman niya ang masambit ang ganitong mga linya…
“Hoy!!! Mr. Michael Torres!!!!! Bkit hindi ka nakikinig?!!!”, binasag ni Ma’am ang malalim na pag-iisip.
Nakalimutan kong may klase pala kami. Namula ako sa hiya.
Pag-tingala ko ang maamong mukha ni Lucille sa aking pangarap ay napalitan ng nakakatakot at nanlilisik na mga mata at umuusok na ilong ni Ma’am Cheng.
Hinatak ni Ma’am ang tenga ko, at piningot ako paitaas, kaya’t napaigtad ako.
Ang hapdi, shit! Parang dinikitan ng apoy ang dulo ng aking tenga.
“Huwag ka nang uulit ha!”
“Opo, Ma’am!”
Nagtawanan ang mga kaklase ko.
Pulang-pula na ako sa hiya.
Pag-upo ko, wala na akong nagawa kundi ang yumuko.
“Isa pa Michael, palalabasin na kita!”
*
“Taylo?
Present!
Torres…
Present…
Valencia
Ma’am absent po may sakit.
Yulo.
Present.
Zulueta.
Present Ma’am.”
“Ilabas ang libro ng “El Fili” at buksan sa pahina 90. Ang mga walang libro ay puwede nang lumabas.
Sekretarya, itala ang mga hindi nagdala ng aklat sa mga liban sa klase.”
“Lahat po ay may dala ng aklat Ma’am.”
“Mabuti.”
Biglang may mabahong sumingaw sa bandang unahan.
Halu-halong reaksyon. Tawanan. Pagkamuhi. Pangungutya. Pandidiri. May sumisigaw. May natahimik. May nagtuturuan.
Lumibot ang mata ni Ma’am na halatang-halata ang pagkainis sa namumuong kumosyon.
“Ma’am si Torres po ang umutot.”
Nanahimik lang ako, alam kong wala akong kinalaman sa kaguluhang naganap.
“Ma’am, hindi ako yun!”
“Michael utot! Michael utot!”
“Magsipagtahimik kayo!”
Nilapitan ako ni Ma’am at binatukan.
“Lagi ka nalang nagpapasimuno ng kaguluhan! Hala! Lumabas ka at bukas dalhin mo ang iyong ina.”
“Po?”
Naghagakhakan ang buong classroom, pulang-pula na talaga ako at nanliliit.
Putang ina, pati si Lucille tawa nang tawa.
Wala naman akong kasalanan e. Simula nang araw na iyon, di ko na nagawang kausapin si Lucille.
Habang nakayuko akong naglalakad palabas, dinig na dinig ko pa kung paano patigilin ni Ma’am ang sabay-sabay napagsigaw ng “Michael utot!”
“Magsipagtahimik kayo!”
“Aray!” pok!!
“Ma’am ‘wag po!” blag!
“Gusto mong ipatawag ko rin ang nanay mo?”
*
Sa gilid ng lumang stage nakita kong umiiyak si Lucille. Nag-dadalawang isip ako kung lalapit ba ako o kung hindi. Talunin ang hiya. Talunin ang takot. Talunin ang kaba. Iwasan ang kapraningan.
Ano kaya ang magandang entra?
Lucille, bakit ka… Pangit. Lucille, kumusta? Mas pangit, obvious na dehins siyang okay. Sa di kalayuan, may naulinagan akong naggigitara ng “Torete”. Bukod dito, ang tahimik, pero rinig na rinig ko ang tibok ng puso ko at ang mga yabag ng aking sapatos na papalapit kay Lucille.
“Torete…..Torete….Sa iyo.”
Gusto kong umatras. Ano ba Michael?
Iba na ang tinutugtog ng gitara, Aiza.
“Pagdating ng panahon…”
Ayoko na pero iba ang sinisigaw ng puso ko…
Lapit…Lapit…Lapit…Lapit.Lapit.
Habang paatras-abante, atras-abante ako sa paglakad , nagdadalawang isip kung lalapit ba ako o hindi, nakarinig ako ng sitsit mula sa lugar na kinauupuan ni Lucille, napalingon ako at pagtingin ko sa gawing iyon-nakita ko si Lucille na nakatingin sa akin.
Naglakad akong palapit sa kaniya.
*
Hindi pa natatapos ni Lucille ang kanta ay hindi na niya kinaya.
Tumalon pababa ng desk, kinuha ang bag at tumakbong palabas ng klase.
“Saan ka pupunta?!!!” , talak ni Ma’am. Gumuguhit sa mamula-mulang pisngi ni Lucille ang luha. Hinabol siya ng kanyang bestfriend Odessa, hinawakan niyaang kamay ni Lucille upang pigilan ito, subalit nakatakas sa kanyang kapit ang aking mahal. Tumakbo siyang palabas, habol hanggang pinto si Odessa, “Lucille!”, mangiyak-ngiyak din siya.
Natahimik ang klase, biglang nag-bell. Paglabas ni Ma’am, napansin kong may puting bagay na naroon sa kinatayuan nila Odesssa at Lucille, panyo.
Pinulot ko ito.
Nahulog siguro ni Lucille, nung pinipigilan siya ni Dess.
Pinulot ko ito, puno na ito ng alikabok, pero ang bangu-bango parin. Agad ko itong ibinulsa.
Sa wakas, sa pakiramdam ko’y isang mahalagang parte na ni Lucille ang napasa-akin.
Lumabas ako ng classroom, at nag-cutting sa MAPEH 4.
*
Pag-tuntong ko sa bukana ng classroom, binati ako ng adviser ng section na nakatoka sa akin, napansin ko agad ang mga ganitong eksena:
Mga estudyanteng nagwawalis ng alikabok, may nagbubunot at nagf-floorwax.
Naka-pamewang si Ma’am, habang pasigaw na mianamandohan ang kawawang mga bata na balisa.
Agad may lumapit sa aking estudyante, at binuhat ang karga kong mga gamit.
“O sige, pwede ka nang mag-klase.”
Tahimik ang mga estudyante, habang pinagmamasdan nila ako na nasa gitna.
Pagbigkas ko ng “Good Morning.”
Automatic na nagtayuan ang mga bata, at sabay-sabay na nagwika ng:
“Guuud Morning Ser…”
Patong ang kanang kamay sadibdib, parang magb-Bayang Magiliw.
Nag-bow at may pahabol pang :
“Mabuhay!”
Fuck! Ano ito? Nawindang ako dun. Naramdaman ko ang kaluluwa ni Ma’am na bagaman ay buhay pa at nasa coma, ay gumagala sa “Ma’am Cheng” Bldg.
*
Buti nalang at hindi ako bastusin sa klase. Kasi, kung lalampa lampa ako o kaya ay utu-uto, malamang ay dumikit nasa akin ang tawag na “Michael Utot.”, pero tang-ina, di talaga dapat dumikt sa akin yung bansag na iyon, dahil putang ina, wala naman akong kasalanan.
Kung alam ko lang, malamang si Sammy yung umutot.
“Ano naman ang ginawa mo anak?”
“Napagbintangan po akong umutot.”
Hindi malaman ng ermats ko kung matatawa ba siya o magagalit, pero natural na iyon. Nakakahiya yata ang paratang sa akin.
“Anak, di mo na inisip ang kahihiyan natin.”
“Maaa…Wala nga akong kasalanan.”
*
“Bakit palakad-lakad ka Mike? May klase tayo di ba? Anong sabi ni Ma’am?”
*
Sabi ng CT ko dapat daw maging ‘firm” ako.
Shit! May demo pa. Pinakita niya sa akin kung paano mamingot ng estudyanteng patayu-tayo at palakad lakad sa gitna ng klase.
Nawala ang apat na taong lecture tungkol sa”Dangerous Minds”, “Dead Poet’s Society” at “Mr. Holland’s Opus”, na diniscuss at dinikdik sa aming mga utak ng aming mga mahal na prof sa Educ1-7.
Iba ang Theory….Iba ang Application.
*
“Buong Taon, wala na ayong ginawa kundi ang maghapi-hapi, dalawang linggo na lang at peryodikal niyo na! Pag-bumagsak kayo, di kayo ga-gradweyt! At di ako manghihinayang na ibagsak ang mga katulad niyo!”
Eto na naman ang sermon ni Ma’am, tahimik ang buong klase, pero walang nakikinig. Sawang-sawa na kasi ang mga tenga namin sa ganitong mga dialogue, kung kaya’t ayaw nang rumehistrosa mga utak namin ang mga dakdak ni Ma’am.
“Hoy! Ikaw Ned, bagsak kana sa summative, mag-aral aral ka at aba! Aba! Aba! Binibining Lucille na ubod ng maldita, subukan mo lang na mag-inarte uli, at baka gusto mong 'di ka na makatuntong sa klaseng ito, Dalaga na e antukin pa!”
Napayuko si Lucille sa sobrang pagkapahiya. Buti na lang tahimik ang klase at walang bungisngis o bumulong man lang sa takot na mapag-initan ni Ma’am.
Sobra na talaga si Ma’am, 'di niya ba titigilan si Lucille?
Pulang-pula na si Lucille, nakatungo, nagpipigil ng emosyon—awang awa ako sa kaniya, gusto ko siyang lapitan, akapin at paiyakin sa aking balikat, habang pinapatahan at hinihimas-himas ang makintab na buhok…”
At ikaw naman Michael, tulala ka na naman? Gusto mo bang palayasin na kita?”
(Mula sa ibang chapter ng Lesson 3….)
“Tumahimik kayo!!! Mga putang ina niyo! Ang mga asal niyo!! Hindi kayo marunong makisama!! Sa tingin niyo ba madali itong ginagawa ko?! Puta!”
Blag!
Tumaob ang upuan matapos ko itong tadyakan. Sobrang galit na ako!
Tulala ang mgaestudyante, putang ina nilang lahat, kailangan pa bang murahin sila at gumawa ng eksena ang guro bago sila magpakaayos?
“Hoy! Ano yang tinatawa-tawa mo?”
“Sir, siya po kasi e. Siya po o.”
“Ano? Mangangatuwiran ka pa? Gago ka ha! Isa-Dalawa… Hindi ka lalabas?”
Putang ina!! Ano ba naman ito? Nakakainis, pa’no ko ba ih-handle ang sitwasyong ito?
Nakakainis, ngayon pa nag-absent ang Ctko. Gusto ko nang manapak, manadyak, manuntok.
Mike…Mga bata yan. Cool down, hindi ka si Ma’am Cheng.
Kani-kanina lang ang ayos ng pasok ko, unang klase ko sa umaga. Pagpasok ko sa pinto, binati agad ako ng mga papel na nagkalat sa sahig, magugulong bangko at ang sabay-sabay at sala-salabat na tinig at atungal ng mga munting halimaw na nakapaligid sa akin.
“Good Morning," no fucking reaction, tuloy ang tawaran sa palengke at bentahan ng DVD sa Raon at sa Poquiaps.
“Good Morning. Are you ready to start?”, no reaction, tuloy ang mob sa Mendiola at prayer meeting ng El Shaddai.
Tok! Tok! Tok!
Pinukpok ko ng patpat ang mesa upang makuha ang atensiyon ng mga bata, pero tuloy parin ang islaman sa Pulp Freakshow.
“Class! Please Keep Quiet!!”
May nagbabatuhan ng papel. Bungisngis. Ngawa. May nagpupulbos ng mukha, may palabas-labas ng kuwarto. Hagikhikan. Nararamdaman ko na ang pisi ng aking katinuan na unti-unti ng bumibigay. Toktoktok!!!!!
Kinatok kong muliang mesa.
"Tahimik!”, Saglit na tumahimik..”
“Turn your book on page 40," tumalikod ako upang isulat sa pisara ang topic namin para sa araw na iyon, nakarinig nanaman ako ng bulungan, at sa mga ganitong uri ng classroom ang isang simpleng bungisngis ay tulad ng isang maliit na crack sa dingding ng nuclear reactor na sa isang maliit na sirit ay biglang nagkaka-chain reaction—na bigla nalang SUMASABOG!
AAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAHHHHHHHHHHHHHH!!!!!!!!!!!!!!!!!
Ang ingay!!!!!!!!!!!!!!
Ang hirap manaway; gusto ko nang sumabog. Timpi.Timpi.Timpi.Timpi.
Mike, hinga ka nang malalim…Hinga…Hinga…
Plok.
Tinamaan ako ng nakalamukos na papel sa mukha.
“Ano ba!!!”, nagtaas ako ng daliring naka-fuck you.
Natahimik ang lahat… Tulala.
“Ito kayong lahat!”
“Sir, masama yan!” , bulong ng isang kupal.
“Sa tingin niyo, anong mas masama? Yang mga asal niyo o ito? Mga walang hiya kayo, mga kupal!”
Shock silang lahat. Nag-dilim ang paningin ko.
After five minutes, maingay nanaman ang klase.
*
“Everything was beautiful and nothing hurt," sa’n ko nga ba nabasa ang mga linyang iyon? Sa “Slaughter House 5” ba ni Vonnegut? Ewan, ah ewan..
Hindi ko alam kung bakit biglang sumulpot ang mga linyang iyon sa aking isipan ng mga oras na yun.
Sige, magbatuhan kayo! Mag-ingay kayo! Magwala kayo! Huwag niyo kong galangin mga mutherfuckers!
”Everything was beautiful…
Wow, kung kukunan mo ako ng larawan, aakalain mong isa akong reporter sa gitna ng engkwentro sa giyera sa Iraq. Nanginginig na ako sa matinding galit at pagkamuhi.
Timpi.
Timpi.
(mula sa mga sunod na chapter)
‘Di kinaya ng mga sigaw ko ang sabay-sabay na koro ng mga bullshit na bunganga.

…and nothing hurt.”