Showing posts with label Princess Calacala. Show all posts
Showing posts with label Princess Calacala. Show all posts
no image
Ni Princess Calacala

Nanghihina na ako. Nangangatog na rin ang aking mga tuhod. Inubos mo na ang lahat ng lakas ko. Tinunaw mo ang natitira kong lakas. Wala na. Tapos na. Halos araw-araw ka ngang dumadampi sa aking mga labi. Hindi lang tatlong beses isang araw. Minsa’y umaabot pa ng lima. Hanggang hating gabi’y hinahanap-hanap pa rin kita. Ang tingin ko kasi’y isa kang instrumentong nagpapalakas sa akin. Ikaw ang pumapawi sa aking pagod. Taga bawi ng lakas na nawawala sa akin tuwing ako’y gumagawa ng napakabigat na aktibidad.

Pero bakit ganito?. Isa’t kalahating araw ang nakalipas noong huli mong ipatikim sa akin ang pinakamasarap na putaheng noon ko pa lamang natikman. Bakit mo ako iniwan? Ito ba ang sinasabi mong paghihiganti sa akin?. Pinagsisisihan ko na nga diba?. Pinagsisisihan ko ang mga panahon na itinapon at ipinagtabuyan kita. Gayundin ang panahon na sinayang kita, ginawa kitang pampalipas oras ko. Puro tira-tirang oras na lang ang naibibigay ko sayo. Minsan pa nga’y unabis na kitang hindi ginagalaw. Kahit na nakalatag na ang iyong malinamnam na katawa’y tila wala ng epekto sa akin. Ang mga langaw na lamang ang pumapansin sa iyo.

Dala lamang iyon ng sunud-sunod na pagod ko noong nakaraang linggo. Ginawa ko ang thesis ko. Sumulat ako ng napakaraming kwento para sa final exam ko. May sinalihan akong contest, nag-review ako. Alam kong nagkamali ako dahil hindi na kita napansin. Subalit ngayo’y labis ang pagsisisi ko. Isa’t kalahating araw ng huli kitang matikman. Hindi ko alam kung kailan ka ulit dadampi sa aking mga labi at bubusugin ang aking laman. Isa’t kalahating araw na rin akong nalilipasan ng gutom. Kumakalam ang sikmura.Nanginginig na ang aking katawan. Ngayon ko napagtanto na hindi ko pala kayang mabuhay kung walang kanin at ulam
no image
Ni Princess Calacala

Lihis ang akala ng ilan na "Ang luma na ay napag-iwanan na ng panahon, at ang bago ay umaagapay sa pagsulong ng kasaysayan". Nabubulag tayo sa pag-aakalang ang pagkaluma ng isang akda ay palatandaan ng pagiging "MABABA ANG KALIDAD". Doon nagkamali ang nakararami sapagkat ayon sa ibang paniniwala "Kailanma'y hindi nalilipasan ng panahon ang akdang may mataas na kalidad" na siyang pinaniniwalaan ko. Apatnapu't limang taon na ang pamamayagpag ng libro ng Mga Agos sa Disyerto hanggang sa umabot pa ito sa Ikaapat na edisyon na siyang hawak-hawak ko sa ngayon. Habang pinagninilay-nilayan ko ang mga akdang nakapaloob dito kagabi'y tila sariwa pa rin ang mga antolohiyang nakapaloob dito. "Ang tungkol sa karalitaang bunga ng inhustisya't ang desperasyong dala nito, ang kapabayaan at pagmamalabis ng mga may kapangyarihan, ang kalupitan ng lipunan sa mga itinuturing na naiiba, at ang kawalang kahuluhan ng buhay para sa marami." Ilan lamang ito sa mga tagpong patuloy na nararanasan natin sa kasalukuyan. Idagdag mo pa ang isyu ukol sa "pangangamkam ng lupa mula sa magsasaka na lalong naglublob sa kanila sa karalitaan. Bagaman ang mga manggagawa at magsasaka ang pinakagulugod ng pambansang ekonomiya, makikita pa rin natin na sila pa ang umaamot para sa yamang nagbubuhat naman sa kanilang pawis at dugo. "Nagpapahiwatig lamang ito ng isang masakit na katotohanan ukol sa mga pangyayaring umiiral sa ating lipunan sa kasalukuyang panahon, na madadala pa rin hanggang sa hinaharap kung hindi na malulunasan pa ang ganitong klase ng paghaharing-uri ng mga may katungkulan.

Sa pagbabasa, marami kang mapupulot na kaalaman. Lahat tayo may kakayahang sumulat. May karapatang ihain ang ating mga hinaing.Kung nagnanais ka na maging isang epektibong manunulat, matuto ka munang magbasa. Alamin at himayin mo ang nais tumbukin ng teksto. Naniniwala ako na bago ka makasulat ng isang akdang may kabuluhan. Matuto ka munang ''MAGBASA AT MANALIKSIK" huwag banat nang banat kung wala namang maituturong maganda ang akdang ginagawa mo. Magsulat ka para makapagbigay ng impormasyon upang matuto ang mga taong babasa nito, hindi para maging tanyag kahit puro sabaw lang ang laman ng sinulat mo. Samakatuwid, KUNG GUSTO MONG MAGSULAT, MATUTO KA MUNANG MAGBASA.

Napakaganda ng Panitikan ng ating Bansa. Huwag naman sana nating sirain, maari naman itong gawing moderno at bigyan ng bagong kulay basta't nakapaloob pa rin ang kultura at panitikan na matagal na nating kinagisnan. Para makagawa ka nito, lumabas ka sa mundo mo. Burahin mo yung mga maling bagay na natutunan mo buhat sa Amerikanisasyon. Malaya na tayo. Lumaya na tayo sa mga bagay na nagpipiit sa ating nakaraan. Kung buburahin mo ito at magsisimula nang bago, mabibigyan mo nang bagong bihis ang bayan mo. Ang panulat kailanma'y hindi basta-basta mawawala. Pinatunayan na sa atin ito ni Pepe. Sa ginawa niyang statement na, "Ang Kabataan Ang Pag-asa ng Bayan"

Bakit kaya hindi pa natin simulan?
Buti Pa Si Kendra May Dalandan
Ni Princess Calacala

Dandandandalandan. Mabuti pa si Kendra napapakanta. Walang iniintindi, palaging masaya. Samantalang ako halos lahat kargo ko. Walang magandang damit, walang magarang sasakyan, maliit lamang ang bahay. Walang kapatid. Walang boyfriend.Wala lahat! Mabuti pa si Kendra, konting awit lang may pera na.

Samantalang kami, halos lumawit na ang lahat ng litid sa ngalangala ay wala pa ring mahanap na pera. Mabuti pa si Kendra, ipakita lang ang iniindorsong produkto sigurado na ang kinabukasan. Pero kaming mga pahat diwang nilalang na lugmok sa kaharipan, hindi namin alam kung paano kami sa hinaharap. Lahat ng bagay na pinagpapaguran namin sa iba lamang nauuwi. Nagtatrabaho kami, tapat ang serbisyo sa bayan, pero bakit nagagawa pang pagnakawan? Mabuti pa si Kendra may orange. Kami nga nagti-tiyaga lamang sa kamatis. Kamatis na ipinupukol sa amin ng mga mayayaman. Nang mga may kapangyarihan. Ang prutas na sinasabing simbolo sa aming mga mahihirap. Saan nga ba kami hahanap ng kahel? kung ang binubungkal namin araw-araw ay lupa na kamatis lamang ang kayang tumubo. Makapagpalaki man kami ng “ORANGE” hindi naman kami ang makikinabang. Mauuwi lamang ito sa kung saan-saang lugar. Isa kaming upahan sa napakalaking hacienda kung saan kami’y tau-tauhan upang sundin ang kanilang gusto. Hindi naman kami nabibigyan ng sapat na sweldo. Mabuti pa si Kendra tuwang tuwa habang nilalasap ang katagang “REAL NA REAL”.



Kami kaya? Kailan makakatikim ng “REAL NA REAL na pagbabago?”. Mararanasan pa kaya naming makapagtamasa ng sapat na edukasyon? Mabibigyan pa kaya kami ng disenteng trabaho? Matitigil na kaya ang korupsyon? Uunlad na kaya ang bayan ko? Mabibigyan kaya nila ng tamang sweldo ang mga magsasaka? Kailan kaya sila didilat sa “REALidad” ng buhay?. May pag-asa pa kayang mabago ang bulok na sistema ng pamahalaan? . Kawawa naman ang mga bulateng matagal na nanirahan sa patag na lupain. Isang dagan lamang ng semento’y wala na silang kawala. Napakadaling napalayas sa lugar na matagal nilang inalagaan. Hindi mo na kayang umapila. Ni-rekta ka ng mga buhangin,bato at semento. Tinusok ka na ng bakal na matigas pa sa ulo mo. Ang mga ekta-ektaryang lupain na taniman ng produktong iniluluwas at inaangkat sa atin ng ibang bansa’y punung-puno na ng bahay na bato na magkakamukha ang kulay at disenyo . Mabuti pa si Kendra amoy na amoy ang bango ng dalandan. Samantalang kami’y kaamoy na ng imburnal. Amo’y lupa na dahil araw-araw kaming napapagal. Buti pa si Kendra lasap na lasap ang saya ng buhay. Kami kaya? Kailan namin mararanasang mamahinga. Yung tipong isang kanta mo lang lalabas na sa harap mo ang pera?. Yung hindi na kami mapapagod magbanat ng buto para sa ibang tao. Kung magtatrabaho man kami’y gusto naman naming makatanggap ng kaukulang benipisyo. Walang daya. Walang korupsyon. Mabuti pa si Kendra may dalandan. Nakayakap sa dalandan, samantalang kami’y mga mamamayan na araw-araw nakayakap sa putikan.
no image
Ni Princess Calacala

Dati'y palagi akong nakakatikim nang suntok. Bugbog sarado kay tatay pati na rin kay kuya. Wala akong ibang magawa kundi ang umiyak. Galit sa akin si ate maski si nanay. Isa raw akong salot sa lipunan. Labindalawa kaming magkakapatid. Ako ang bunso. Karamihan sa kapatid ko ay maton. Dalawa lamang kaming babae. Este isa lang pala ang babae. Apat na taon ako noong natuklasan kong ganito pala ako. Masaya ako tuwing kinukulot ko ang buhok ko gamit ang tangkay ng acacia. Ginagamit na miniskirt ang tuwalya. At higit sa lahat masayang kinukulimbat ang lipstick at foundation ni nanay sabay pahid sa labi kong makapal at mukha kong hugis mansanas. Dahil sa maitim ang aking tuhod, kinuha ko ang mena ni ate. Pinahiran ko ang tuhod ko hanggang sa maging maputi. Ayos na. Maganda na ako. Rumampa na ako sa kabilang baryo. Masayang-masaya ako sa sigawan ng mga tao. Hanggang sa makita ako ni kuya. Ang ngiti sa aking mga labi ay biglang naglaho. 



Nanginginig akong umalis sa aking kinatatayuan. Pag-uwi ko sa bahay, binugbog na naman ako ni kuya. Hindi ko na mabilang ang mga palong natanggap ko mula sa kanya. Sa sobrang galit ni itay, ibinitin ako sa punong dinudumog ng hantik. Pinaluhod naman ako ni ina'y sa asin. Pinalabhan sa akin ni ate lahat ng damit namin. Gusto ko nang sumuko. Hirap na hirap na ako. Bukod sa pagod na ako'y hindi pa ako nakakakain nang maayos dahil hindi sapat ang kinikita ng aming pamilya. Hanggang sa isang araw napadesisyunan kong umalis. Hindi na ako nagpaalam sa kanila. Nagpunta ako sa Maynila. Nagbabakasakaling gumanda ang aking buhay. Diskarte lang ang ginawa ko, nagtrabaho ako sa karinderia ni Aling Melly. Nakalibre ako ng pagkain. Sa kanila na lamang ako nakituloy pansamantala. Hindi ako nakuntento sa ganoong trabaho. Pagkatapos kong magtinda sa karinderia derecho ako sa parlor ni Bebeng Shoding. Magdamag bukas ang parlor na ito. Doo'y tinuruan nila ako kung paano ba mag-manicure at pedicure. Kung paano gumupit ng buhok at mag make-up. Naaliw ako sa aking ginagawa. Labis ang aking kagalakan tuwing pumapasok sa trabaho kong iyon. Dumating ang araw na nagkaroon na ako nang magandang oportunidad upang magpatayo ng sarili kong parlor. Hindi naglaon naging tagumpay ang negosyo kong ito. Sa bawat hagod ng suklay kaakibat ko rito'y pagmamahal. Sa bawat paghugas at pagkulay ng mga daliri nila, ipinararamdam ko sa kanila kung gaano kakulay ang mundong tinatahak nila. 

Ganoon din sa paglalapat ko ng kolerete sa mukha nila. Ipinakikita ko na sa kabila ng mga pangit na nangyari sa kanila'y maaari pa rin itong mapaganda gamit ang malikhaing kamay nila. Heto ako ngayon, nakapundar na ng sariling bahay at lupa. Kumikita na nang malaki, nag-ampon ako ng batang babae upang may makasama sa buhay. Sa kabila nitong tagumapay na dinaranas ko, hindi ko pa rin kinalimutan ang mga mahal ko sa buhay. Sa kabila ng mga hagupit at latay na natamo ko sa kanila, ang pusong babae ko pa rin ang umiral upang sila'y muling balikan at tulungan. Kung sino pa ang kinawawa at sinaktan nila noo'y siya rin ang tutulong sa kanila ngayon. Sino ngayon ang nagsasabing salot lamang kami sa lipunan?
no image
Ni Princess Calacala


I

Itinalaga ka upang kami'y maabot
Hindi para mangurakot
Bulsa mong puno ng surot 
Sadya nga namang nakatatakot

II

Kababayan mo'y naghihikahos
Bulsa nila'y humahangos
'Pagkat ang bayan mong kapos
Sa kasakimay nakagapos

III

Tinig nila'y di marinig
Mga mata'y sadya nang nakapiring
'Di na makuhang umiling 
para saan pa nga ba ang idaraing?

IV

Hanggang kailang magdurusa,
Ang sinasabi nyong masa?
May silbi pa ba ang harinang tira-tira?

KUNG ITURING ANG BANSA AY PISO ANG ISA?
no image


Kung nabubuhay pa si Lolo Pepe
Ano kaya ang kanyang masasabi Sa kaliwa’t kanang pang-gagarote
Gamit ang wikang nagtanggol sa nakararami?

Katatapos lang gunitain ang kasarinlan
Ito ba ang ipapalit sa sinasabing kalayaan?
Ang patayin ang wikang ginamit sa pagtatanggol sa bayan?
Kanilang kalagayan ang ibig kong pag-aralan

'Pagkat tila yata nakalilimutan 
Na wika ang kaluluwa ng bayan
Pati ba ang kabataa’y kailangang pagkaitan
Nang angkop na karununga’t kamalayan?

Libo-libong guro sa kolehiyo
Saan balak i-pwesto?
Ilang pamantasan ang dapat makiuso
Upang makasunod sa bago?

Paano pa makapag-iisip yaring bayan
Kung sariling wika’y tuluyang lumisan
Unti-unting pinapatay instrumento ng kalayaan
Nasaan na ang katarungan na matagal na ipinaglaban

Panahon na upang buksan ang isipan
Bigyan naman ng puwang ang ating ipinaglalaban
Isiping mabuti ang ating kalagayan
Upang sa huli’y di tayo mapag-iwanan

Di lahat ng naituturo sa ibaba’y kapantay ng itaas
Kaya’t walang dapat ipalabas na kailangang magbawas
Sapagkat ito’y probisyong mamamalas
Sa Lengguwahe ng Saligang batas na nakasaad sa Republika ng Pilipinas