Ni Princess Calacala
Nanghihina na ako. Nangangatog na rin ang aking mga tuhod. Inubos mo na ang lahat ng lakas ko. Tinunaw mo ang natitira kong lakas. Wala na. Tapos na. Halos araw-araw ka ngang dumadampi sa aking mga labi. Hindi lang tatlong beses isang araw. Minsa’y umaabot pa ng lima. Hanggang hating gabi’y hinahanap-hanap pa rin kita. Ang tingin ko kasi’y isa kang instrumentong nagpapalakas sa akin. Ikaw ang pumapawi sa aking pagod. Taga bawi ng lakas na nawawala sa akin tuwing ako’y gumagawa ng napakabigat na aktibidad.
Pero bakit ganito?. Isa’t kalahating araw ang nakalipas noong huli mong ipatikim sa akin ang pinakamasarap na putaheng noon ko pa lamang natikman. Bakit mo ako iniwan? Ito ba ang sinasabi mong paghihiganti sa akin?. Pinagsisisihan ko na nga diba?. Pinagsisisihan ko ang mga panahon na itinapon at ipinagtabuyan kita. Gayundin ang panahon na sinayang kita, ginawa kitang pampalipas oras ko. Puro tira-tirang oras na lang ang naibibigay ko sayo. Minsan pa nga’y unabis na kitang hindi ginagalaw. Kahit na nakalatag na ang iyong malinamnam na katawa’y tila wala ng epekto sa akin. Ang mga langaw na lamang ang pumapansin sa iyo.
Dala lamang iyon ng sunud-sunod na pagod ko noong nakaraang linggo. Ginawa ko ang thesis ko. Sumulat ako ng napakaraming kwento para sa final exam ko. May sinalihan akong contest, nag-review ako. Alam kong nagkamali ako dahil hindi na kita napansin. Subalit ngayo’y labis ang pagsisisi ko. Isa’t kalahating araw ng huli kitang matikman. Hindi ko alam kung kailan ka ulit dadampi sa aking mga labi at bubusugin ang aking laman. Isa’t kalahating araw na rin akong nalilipasan ng gutom. Kumakalam ang sikmura.Nanginginig na ang aking katawan. Ngayon ko napagtanto na hindi ko pala kayang mabuhay kung walang kanin at ulam
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Comments/disqusion
No comments