Peter Miranda

Nanawagan ang inyong lingkod,
Harapin n'yo sana ang nasa likod.
Wag maging bulag sa nakabibinging ingay
Wag maging pipi sa mata ng kaaway.

Tinatawagan ang inyong palasyo,
Sa kapangyarihan, huwag maging palalo,
Hindi natatapos sa halalan ang pagiging panalo,
Ang lahat ay matatapos kung lumabo ang mga plano.


---------------

Lodz De Los Reyes 

Hindi namin kailangan ng taong sakdal talino
Bagkus isang taong may totoong puso
Hindi namin kailangan ng nagpapanggap na santo
Ang nais namiý isang totoong makatao

Huwag mo sana kaming aaglahiin
Matapos daanin sa salita upang kamiý pasagutin
Kailangan namiý isang tao at hindi asal demonyo
Sasagip sa madla sa lumalaganap na impyerno

----------------

Aprille Celine Gelogo 

"Pakiusap..."

Kay raming taon na nagdaan,
Kay rami ng pinagpasahan,
'Di pa rin nasosolusyonan,
Mga problema ng ating bayan.

Pansinin ang iyong paligid,
Utang na loob, magmasid,
Sana'y wag maging manhid,
Sa lipunang nanlilimahid.

Pagsilbihan kaming mamamayan,
Nagluklok sa'yong kinauupuan,
Umasenso man lang kabuhayan,
Ikauunlad rin nitong bayan.

'Wag kang magpapasilaw,
Kinang na siyang pumukaw,
Mga ahas na nanunuklaw,
Sa yama'y uhaw na uhaw.

-------------------

Princess Calacala 

Sa ISIP, SA SALITA AT SA GAWA
I
Bayan ko'y kasalukuyang nakapiit
Sa karalitaan, dusa at pait
Kailan namin makakamit?
Ang kapayapaang ipinagkait
II
Sa paglipas ng panahon
Mga nanungkula'y nangako nang pag-ahon
Bakit kami'y patuloy na nakabaon
Sa lupang binubungkal maghapon?
III
Kami'y humihiling sampu ng aking mga kabaro
Pagkalooban naman nang malinis na katoto
Taos sa puso yaring pagsusumamo
Tanging inaasam ng bayang ito'y munting pagbabago
IV
Para sa iyo Ginang o Ginoo,
Kung sakaling ikaw ang mamuno
Damhin ang aming pagsusumamo
Bigyan kami nang malinis na laso
V
Muling iparamdam halaga ng mamamayan
Kapara ng aming pagkakabigkas sa Panatang Makabayan
Nawa'y hindi na mapako ang pangakong iwawagayway sa bayan
Pagka't ito'y tuluyan naming iikintal sa aming puso't isipan

----------------


Er'm Ch'll 

THE MOB'S MANIFESTO

John doe, We hope in our fantasy you are from
Great deeds in our nation may ever come
You orate so good You had us devoted
Endow hope to this nation if ever elected

Look at those bars that The innocents were into
Deem the delinquents running as dead fools
How we reckon we could hold utopia
Feed us fair amount of Gods' ambrosia

Kindly seal the dark route of unlawfulness
Hold shame to all sorts of deceitfulness
But hear the cries of us , who were slaved
For to indulge in equity is what we crave

-------------

Norven Javarez Soriano 

"Gawin mo nalang"

Sa mabigat na katungkulan, 
Ika'y naatasang pumasan, 
Ng pitong libong kapuluan, 
Na siyang bumubuo sa ating haring bayan. 

Nagtitiwala at magtitiwala, 
Iyon ang aming adhika,
Sa pasimula hanggang sa dulo,
Sana'y may makamit na tunay na pagbabago. 

Sa daang iyong napili, 
Mga tao ang naging susi, 
Mga pangako mong naging puhunan, 
Para wala nang mahaba pang usapan, 
Pakiusap ko, gawin mo nalang.

--------------

Kurl Angelo D. Palaganas 

O-Oh susunod na presidente ng Pilipinas
H-Heto kami nananawagan na sana mailigtas
P-Pilipinas na unti-unti nang bumabagsak
R-Realidad na sa ami`y patuloy na wumawasak
E-Eto ang aming kahilingan
S-Sana`y mawala na ang mga tiwaling opisyal na nanunungkulan
I-Ituon ang pinakamalaking porsyento ng badyet sa edukasyon
D-Dahil ito ang magdadala sa mga kabataan sa magandang destinasyon
E-Eng-eng na pag-iisip, sana`y wag ng pairalin
N-Nawa`y iyong pakinggan ang aming mga hinaing
T-Tiwala nami`y asahang iyo`y makukuha ng walang hirap
E-Edukadong mga tao ang sa inyo`y haharap

----------------

Clare Yuri 

Tao po, tao po,
Sa susunod na uupo,
Nawa'y tuwid, di mapatid,
Pangakong isasabit sa bagong lubid.

Tao ba, tao ba?
Ang sa isip mo'y nauuna?
O katulad ka rin ba niya?
Hinalungkat ang baho ng iba? 

Tama na, tigil na,
Nawa'y 'wag itulad sa kanya,
Iyong daan nawa'y tamnan,
Ng ikabubuti ng mamamayan.

Tara na, takbo na,
Ipakita sa buong masa,
Ang tunay ngang pag-asa,
Isang tunay na pamamahala.

---------------


Rowald Waldo Azores 

Hindi ako umaasa na sa iyong pag-upo,
Muling makakabangon ang bansang nalumpo.
May isang nais lamang ako na mapatunayan mo
Sa wheelchair na iyan ay walang sumpang namumuo.

Kung talagang nais maglingkod, wala ka sanang kilingan.
Lahat ng may sala ay ipasok sa kulungan.
Di man agaran makabangon ng tuluyan,
Tiyak malaking tulong ang isang matibay na saklayan.

--------------

Levi Val Umipig Modelo

 Sa tuwing ika-anim na taon
Dumarating ang pagkakataon
Na tayo ay magluluklok
Ng pinuno na hindi marupok

Ikaw ay aming napag-isahan
Sa pwestong maraming nag-aasam
Sana nawa ay iyong suklian
Ng serbisyong 'di mapapantayan

Huwag sana kaming tatalikdan
Sa oras ng pangangailangan
Nawa kami'y iyong pagsilbihan
Sa abot ng iyong kakayahan

Tiwala ang ibinigay namin
Upang sa amin, ika'y mag-ahon
Katiwasayan sana'y sapitin
Sa utang ay hindi na mabaon

-----------

Dennis Delfin

 "Transisyon"

Ilang dekada na ang lumipas
Pero umaasa pa rin sa bukas
Pangarap ng lahat
Presidenteng magbubuhat

Sa lugmok na antas ng pamumuhay
Sana, matugunan mo ng gabay
Yaman ng bansa'y pakaingatan
Kung hindi yun ang plano, umatras na lang

Wag mo sanang tularan ang mga nauna
Ang hinahanap ng tao'y kakaiba
Hindi namin gusto ang naghihiganti lang
Lalo naman yung nagpapayaman lang

Hindi namin hangad ang perpekto
Pero sana tumaas ang kwalipikado
Yun bang may posibilidad na umasenso
Hindi yung sumikat lang sa pangalan ng sikat na politiko

Kapag gusto mong maging presidente
"Able to Read and Write" lang ba?
Masyadong mababaw, baguhin mo sana
Saligang Batas, marami na kaming puna

Kung hindi mo man mapasang-ayon ang mga tao
Sa magaganda mo sanang plano
Sana pagtiyagaan mo
Alam mo naman, ang ugaling Filipino.

Mapanglait, mapanghusga
Magaling sa pagpuna
Kulang sa disiplina
Pagbabago'y simulan mo, nang makita nila.

------------

MJ Figarola 

Lingkod

Lingkod sa bayan.
Lingkod at gawa.
Pangulong tapat.
Pangulong walang tinitingnan.

I-tama ang mga dapat itama,
Landas ay patuwirin.
Walang kapangyarihan papuntang kalokohan,
Sapagkat ang kamay namin ay sa inyo.

Kami'y tulungan,
At landas ay patuwirin.
Lingkod na malaki,
Lingkod na 'di nagtetengang kawali.







Comments/disqusion
No comments