Higit pa sa mga librong kanyang nababasa, higit pa sa ginagawang paglalarawan ng kanyang kuya tungkol sa magagarang struktura sa Maynila. Doon, kung saan kanyang mga pangarap tila kaydaling abutin, kung saan kanyang paboritong mga kendi ay parating mabibili. Walang limitasyon, walang sino man ang hadlang.. Doon, kung kailan ang mga bituin sa kalangitan ay isa-isang sumisilip, na para bagang nginingitian pa siya.

Marahil, ang paglubog ng araw ang pinakahihintay niyang oras sa magdamag, hindi gaya ng iba kung saan ang pag-asang dala ng pagsikat ng araw ang syang namumukod-tangi para sa kanila. Hindi nga ba't liwanag ang nagbibigay-buhay at paalala para kumilos at magpatuloy ka? Ngunit para sa isang munting bata, kabaligtaran ang mithi, ang depinisyon nitong ipinararating. Ang munting liwanag na dala ng buwan at ang pagningning ng mga bituin sa kalangitan ang syang nagbibigay-lakas at pag-asa sa bata. Matataas na bundok kanyang naaakyat, mataas na paglipad na higit pa sa mga makina roon sa ere, at samu't-saring pagkain at laruan na hindi kailan niya natikman o nakamtan - sapagkat sa pagsapit ng dilim, sa pagsilip ng mga bituin, iyon lahat ay kanyang napapasapalad.

Oo, bata lamang siya. May gatas pa sa labi kung ituring ng iba; ngunit yaong kainosentehan na taglay niya ay nagsisilbing liso ng pag-asa na bumabalot at patuloy na nagbubunga sa kanya. Oo, bata lamang siya. Ano nga ba ang maaaring maidulot ng isang batang hindi pa tinutubuan ng puwang? Oo, walang silbi para sa iba. Oo, umaasa pa lamang siya sa nakatatanda. Ngunit sa pagsapit ng dilim, kung saan bituin ay kanyang sinisilip.. naroon ang pag-asang hinahawakan niya sa pagkamit ng mga pangarap. Hadlangan man ng iba o sa patuloy na pag-edad niya, sa pagsapit ng dilim at pagsilip ng mga bituin - patuloy niya itong aabutin sa kanyang pagpikit, kahit pa sa panaginip.

Comments/disqusion
No comments