Salot lang Daw Kami?
Dati'y palagi akong
nakakatikim nang suntok. Bugbog sarado kay tatay pati na rin kay kuya. Wala
akong ibang magawa kundi ang umiyak. Galit sa akin si ate maski si nanay. Isa
raw akong salot sa lipunan. Labindalawa kaming magkakapatid. Ako ang bunso.
Karamihan sa kapatid ko ay maton. Dalawa lamang kaming babae. Este isa lang
pala ang babae. Apat na taon ako noong natuklasan kong ganito pala ako. Masaya
ako tuwing kinukulot ko ang buhok ko gamit ang tangkay ng acacia. Ginagamit na
miniskirt ang tuwalya. At higit sa lahat masayang kinukulimbat ang lipstick at
foundation ni nanay sabay pahid sa labi kong makapal at mukha kong hugis
mansanas. Dahil sa maitim ang aking tuhod, kinuha ko ang mena ni ate. Pinahiran
ko ang tuhod ko hanggang sa maging maputi. Ayos na. Maganda na ako. Rumampa na
ako sa kabilang baryo. Masayang-masaya ako sa sigawan ng mga tao. Hanggang sa
makita ako ni kuya. Ang ngiti sa aking mga labi ay biglang naglaho. Nanginginig
akong umalis sa aking kinatatayuan. Pag-uwi ko sa bahay, binugbog na naman ako
ni kuya. Hindi ko na mabilang ang mga palong natanggap ko mula sa kanya. Sa
sobrang galit ni itay, ibinitin ako sa punong dinudumog ng hantik. Pinaluhod
naman ako ni ina'y sa asin. Pinalabhan sa akin ni ate lahat ng damit namin.
Gusto ko nang sumuko. Hirap na hirap na ako. Bukod sa pagod na ako'y hindi pa
ako nakakakain nang maayos dahil hindi sapat ang kinikita ng aming pamilya.
Hanggang sa isang araw napadesisyunan kong umalis. Hindi na ako nagpaalam sa
kanila. Nagpunta ako sa Maynila. Nagbabakasakaling gumanda ang aking buhay.
Diskarte lang ang ginawa ko, nagtrabaho ako sa karinderia ni Aling Melly.
Nakalibre ako ng pagkain. Sa kanila na lamang ako nakituloy pansamantala. Hindi
ako nakuntento sa ganoong trabaho. Pagkatapos kong magtinda sa karinderia
derecho ako sa parlor ni Bebeng Shoding. Magdamag bukas ang parlor na ito.
Doo'y tinuruan nila ako kung paano ba mag-manicure at pedicure. Kung paano
gumupit ng buhok at mag make-up. Naaliw ako sa aking ginagawa. Labis ang aking
kagalakan tuwing pumapasok sa trabaho kong iyon. Dumating ang araw na nagkaroon
na ako nang magandang oportunidad upang magpatayo ng sarili kong parlor. Hindi
naglaon naging tagumpay ang negosyo kong ito. Sa bawat hagod ng suklay kaakibat
ko rito'y pagmamahal. Sa bawat paghugas at pagkulay ng mga daliri nila,
ipinararamdam ko sa kanila kung gaano kakulay ang mundong tinatahak nila.
Ganoon din sa paglalapat ko ng kolerete sa mukha nila. Ipinakikita ko na sa kabila
ng mga pangit na nangyari sa kanila'y maaari pa rin itong mapaganda gamit ang
malikhaing kamay nila. Heto ako ngayon, nakapundar na ng sariling bahay at
lupa. Kumikita na nang malaki, nag-ampon ako ng batang babae upang may makasama
sa buhay. Sa kabila nitong tagumapay na dinaranas ko, hindi ko pa rin
kinalimutan ang mga mahal ko sa buhay. Sa kabila ng mga hagupit at latay na
natamo ko sa kanila, ang pusong babae ko pa rin ang umiral upang sila'y muling
balikan at tulungan. Kung sino pa ang kinawawa at sinaktan nila noo'y siya rin
ang tutulong sa kanila ngayon. Sino ngayon ang nagsasabing salot lamang kami sa
lipunan?
-Princess CalaCala
Comments/disqusion
No comments