Pakiusap, pakitulak
ang bangkay ko sa bangketa
nang hindi nakabalandra sa kalsada
sa Maynila, sa may Sta. Ana
'pagkat ayokong muling mamatay
masagasaan pa ang aking bangkay,
nakakadiri na ngang pagmasdan
utak kong ipininta ng bala sa daan
pati buto't laman ko ba naman
madudurog pa ng nagmamadaling sasakyan?

Iha, huwag na ang ambulansya,
hindi na ako maisasalba ng kung sino
o ng makapangyarihang dasal o mahika
sapagkat butas, wasak ang sintido
luwa mga mata gaya sa kwago
warat na bungo'y mistulang bulaklak
talulot na karne ay may kakaibang halimuyak
nilalangaw parang tae ang kalat na utak
'di maglao'y mas mabaho na ako kaysa burak.
Isa pa, iha, mahihirapan silang makuha ako
sa ospital na ang tanging ginawa'y
isaad lamang kung ano ang totoo:
Ako'y dumating na malamig nang bangkay.
Walang pantubos, walang pera para ku'nin
ang katawan ko para tahiin at pagandahin
ang itsura ko, ni hindi nila kayang asikasuhin
ang burol ko't libing dahil walang karanasan,
walang kakayahan, walang kaalaman, walang panggastos
ang apat kong apo na ang pinakamatanda ay nuebe anyos.

Pakiusap, pakitakpan
ng dyaryo o trapal o ng kung anuman
mukha kong duguan nakatiwangwang sa daan.
Ayaw kong makita ng mga bata ang kinahinatnan
ng lolong nangakong bibilhan
sila tag-iisa ng manyikang nakita
sa telebisyon ng kapitbahay, kila Tutay,
habang nangunguha ng basura't nangangalakal
habang nagbabanat ng buto't nag-iipon ng bakal
na maibebenta isang kilo singkwenta kila Chua
pambili sana ng gaas pang-gasera
pandagdag sana sa tinapay na merienda
pampasaya sa mga apong hindi man lang nakatikim
ng tunay na gatas, at kaning walang itim-itim.



Masyado nang dumarami ang usyoso
panay kuha sa'kin ng litrato
tila mga bangaw sa basura'y nagtitipon
kinikilala ang kawawang estranghero
minumukhaan kung sino ba 'tong lolo
na binaril sa ulo ng dalawang sakay ng motorsiklo.
Hindi ko alam kung bakit nila nagawa
kung bakit ako ang niregaluhan ng tingga
kung bakit hindi ang mga kurakot, mandarambong, masasama
mga perwisyo, salot, at nanggahasa
ang binaril nila nang walang alinlangan at awa.
Bakit akong dukha na nga, matanda na nga
ang pinunterya ng mga gagong walang puso't hiya?

Pakiusap, pakidampot
ang dala-dala kong dalawang supot
isa sopas, isa pansit, pakipulot
at sana'y maibigay niyo sa aking mga apo
hindi pa kumakain, siguradong nilalamig
mga musmos na katawan nanginginig
habang naghihintay sa aking pagdating
na alam naman nating imposible nang mangyari
kaya pakiusap, wala akong hinihinging kusing
ihatid mo lang sa kanila itong aking binili.

Iho, alam kong kanina'y nakita mong lahat.
Mula usok ng kanilang puting tambutso
hanggang sa pagbulagta ko sa semento
Pakiusap, pakisiwalat
nang hustisya'y aking makamit!
Huwag kang matakot, 'wag mag-alinlangang ikalat
ang numero sa plaka ng motorsiklo!
Sino pa ba ang aasahan kundi ikaw mismo
ikaw na aking kauring lubog sa kahirapan
ikaw na higit sa lahat ay dapat maintindihan
kung anong pakiramdam ng mga apong naiwan
kung gaano kahirap, kasakit mawalan
ng mahal sa buhay na sayo'y nag-aalaga.
Bata, pakiusap, 'wag lang tumunganga
inhustisya'y labanan, palagan, duraan, tapakan!
Gaya noong nakaraan kung saan
ako'y matapang na tumayo't walang pagdadalawang isip tumistigo
sa isang kasong katulad, kagaya... nito.

Putang ina, oo nga pala.
Kung bakit ako bangkay ngayon, alam ko na.
Bakit ba ganito ang agos ng sistema
mga iho't iha?
Kung buhay mo na ang nakataya,
magsasalita't lalaban ka pa ba
para sa mapagpalayang katotohanan
para sa mga agrabyado't aping mamamayan,
para sa gaya kong kinantot ng kahirapan,
at biktima ng pambubusabos at kawalang hiyaan
ng lipunang araw-araw kong sinisipingan
habang ako nama'y walang pakundangan niyang sinusukahan?
Kaya mo bang makipagsabayan kung 'di tuwiran
ang pakinabang nito sa pansariling libog at pangangailangan?

Pakiusap, pakisara
ang aking mga mata,
tama na pagsindi ng kandila bilang alay
Kahit dito sa kabilang buhay
nais kong magpakamatay.

Comments/disqusion
No comments