Ni Princess Calacala
Lihis ang akala ng ilan na "Ang luma na ay napag-iwanan na ng panahon, at ang bago ay umaagapay sa pagsulong ng kasaysayan". Nabubulag tayo sa pag-aakalang ang pagkaluma ng isang akda ay palatandaan ng pagiging "MABABA ANG KALIDAD". Doon nagkamali ang nakararami sapagkat ayon sa ibang paniniwala "Kailanma'y hindi nalilipasan ng panahon ang akdang may mataas na kalidad" na siyang pinaniniwalaan ko. Apatnapu't limang taon na ang pamamayagpag ng libro ng Mga Agos sa Disyerto hanggang sa umabot pa ito sa Ikaapat na edisyon na siyang hawak-hawak ko sa ngayon. Habang pinagninilay-nilayan ko ang mga akdang nakapaloob dito kagabi'y tila sariwa pa rin ang mga antolohiyang nakapaloob dito. "Ang tungkol sa karalitaang bunga ng inhustisya't ang desperasyong dala nito, ang kapabayaan at pagmamalabis ng mga may kapangyarihan, ang kalupitan ng lipunan sa mga itinuturing na naiiba, at ang kawalang kahuluhan ng buhay para sa marami." Ilan lamang ito sa mga tagpong patuloy na nararanasan natin sa kasalukuyan. Idagdag mo pa ang isyu ukol sa "pangangamkam ng lupa mula sa magsasaka na lalong naglublob sa kanila sa karalitaan. Bagaman ang mga manggagawa at magsasaka ang pinakagulugod ng pambansang ekonomiya, makikita pa rin natin na sila pa ang umaamot para sa yamang nagbubuhat naman sa kanilang pawis at dugo. "Nagpapahiwatig lamang ito ng isang masakit na katotohanan ukol sa mga pangyayaring umiiral sa ating lipunan sa kasalukuyang panahon, na madadala pa rin hanggang sa hinaharap kung hindi na malulunasan pa ang ganitong klase ng paghaharing-uri ng mga may katungkulan.
Sa pagbabasa, marami kang mapupulot na kaalaman. Lahat tayo may kakayahang sumulat. May karapatang ihain ang ating mga hinaing.Kung nagnanais ka na maging isang epektibong manunulat, matuto ka munang magbasa. Alamin at himayin mo ang nais tumbukin ng teksto. Naniniwala ako na bago ka makasulat ng isang akdang may kabuluhan. Matuto ka munang ''MAGBASA AT MANALIKSIK" huwag banat nang banat kung wala namang maituturong maganda ang akdang ginagawa mo. Magsulat ka para makapagbigay ng impormasyon upang matuto ang mga taong babasa nito, hindi para maging tanyag kahit puro sabaw lang ang laman ng sinulat mo. Samakatuwid, KUNG GUSTO MONG MAGSULAT, MATUTO KA MUNANG MAGBASA.
Napakaganda ng Panitikan ng ating Bansa. Huwag naman sana nating sirain, maari naman itong gawing moderno at bigyan ng bagong kulay basta't nakapaloob pa rin ang kultura at panitikan na matagal na nating kinagisnan. Para makagawa ka nito, lumabas ka sa mundo mo. Burahin mo yung mga maling bagay na natutunan mo buhat sa Amerikanisasyon. Malaya na tayo. Lumaya na tayo sa mga bagay na nagpipiit sa ating nakaraan. Kung buburahin mo ito at magsisimula nang bago, mabibigyan mo nang bagong bihis ang bayan mo. Ang panulat kailanma'y hindi basta-basta mawawala. Pinatunayan na sa atin ito ni Pepe. Sa ginawa niyang statement na, "Ang Kabataan Ang Pag-asa ng Bayan"
Bakit kaya hindi pa natin simulan?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Comments/disqusion
No comments