Ni Princess Calacala

Dandandandalandan. Mabuti pa si Kendra napapakanta. Walang iniintindi, palaging masaya. Samantalang ako halos lahat kargo ko. Walang magandang damit, walang magarang sasakyan, maliit lamang ang bahay. Walang kapatid. Walang boyfriend.Wala lahat! Mabuti pa si Kendra, konting awit lang may pera na.

Samantalang kami, halos lumawit na ang lahat ng litid sa ngalangala ay wala pa ring mahanap na pera. Mabuti pa si Kendra, ipakita lang ang iniindorsong produkto sigurado na ang kinabukasan. Pero kaming mga pahat diwang nilalang na lugmok sa kaharipan, hindi namin alam kung paano kami sa hinaharap. Lahat ng bagay na pinagpapaguran namin sa iba lamang nauuwi. Nagtatrabaho kami, tapat ang serbisyo sa bayan, pero bakit nagagawa pang pagnakawan? Mabuti pa si Kendra may orange. Kami nga nagti-tiyaga lamang sa kamatis. Kamatis na ipinupukol sa amin ng mga mayayaman. Nang mga may kapangyarihan. Ang prutas na sinasabing simbolo sa aming mga mahihirap. Saan nga ba kami hahanap ng kahel? kung ang binubungkal namin araw-araw ay lupa na kamatis lamang ang kayang tumubo. Makapagpalaki man kami ng “ORANGE” hindi naman kami ang makikinabang. Mauuwi lamang ito sa kung saan-saang lugar. Isa kaming upahan sa napakalaking hacienda kung saan kami’y tau-tauhan upang sundin ang kanilang gusto. Hindi naman kami nabibigyan ng sapat na sweldo. Mabuti pa si Kendra tuwang tuwa habang nilalasap ang katagang “REAL NA REAL”.



Kami kaya? Kailan makakatikim ng “REAL NA REAL na pagbabago?”. Mararanasan pa kaya naming makapagtamasa ng sapat na edukasyon? Mabibigyan pa kaya kami ng disenteng trabaho? Matitigil na kaya ang korupsyon? Uunlad na kaya ang bayan ko? Mabibigyan kaya nila ng tamang sweldo ang mga magsasaka? Kailan kaya sila didilat sa “REALidad” ng buhay?. May pag-asa pa kayang mabago ang bulok na sistema ng pamahalaan? . Kawawa naman ang mga bulateng matagal na nanirahan sa patag na lupain. Isang dagan lamang ng semento’y wala na silang kawala. Napakadaling napalayas sa lugar na matagal nilang inalagaan. Hindi mo na kayang umapila. Ni-rekta ka ng mga buhangin,bato at semento. Tinusok ka na ng bakal na matigas pa sa ulo mo. Ang mga ekta-ektaryang lupain na taniman ng produktong iniluluwas at inaangkat sa atin ng ibang bansa’y punung-puno na ng bahay na bato na magkakamukha ang kulay at disenyo . Mabuti pa si Kendra amoy na amoy ang bango ng dalandan. Samantalang kami’y kaamoy na ng imburnal. Amo’y lupa na dahil araw-araw kaming napapagal. Buti pa si Kendra lasap na lasap ang saya ng buhay. Kami kaya? Kailan namin mararanasang mamahinga. Yung tipong isang kanta mo lang lalabas na sa harap mo ang pera?. Yung hindi na kami mapapagod magbanat ng buto para sa ibang tao. Kung magtatrabaho man kami’y gusto naman naming makatanggap ng kaukulang benipisyo. Walang daya. Walang korupsyon. Mabuti pa si Kendra may dalandan. Nakayakap sa dalandan, samantalang kami’y mga mamamayan na araw-araw nakayakap sa putikan.

Comments/disqusion
No comments