Kung nabubuhay pa si Lolo Pepe
Ano kaya ang kanyang masasabi Sa kaliwa’t kanang pang-gagarote
Gamit ang wikang nagtanggol sa nakararami?
Katatapos lang gunitain ang kasarinlan
Ito ba ang ipapalit sa sinasabing kalayaan?
Ang patayin ang wikang ginamit sa pagtatanggol sa bayan?
Kanilang kalagayan ang ibig kong pag-aralan
'Pagkat tila yata nakalilimutan
Na wika ang kaluluwa ng bayan
Pati ba ang kabataa’y kailangang pagkaitan
Nang angkop na karununga’t kamalayan?
Libo-libong guro sa kolehiyo
Saan balak i-pwesto?
Ilang pamantasan ang dapat makiuso
Upang makasunod sa bago?
Paano pa makapag-iisip yaring bayan
Kung sariling wika’y tuluyang lumisan
Unti-unting pinapatay instrumento ng kalayaan
Nasaan na ang katarungan na matagal na ipinaglaban
Panahon na upang buksan ang isipan
Bigyan naman ng puwang ang ating ipinaglalaban
Isiping mabuti ang ating kalagayan
Upang sa huli’y di tayo mapag-iwanan
Di lahat ng naituturo sa ibaba’y kapantay ng itaas
Kaya’t walang dapat ipalabas na kailangang magbawas
Sapagkat ito’y probisyong mamamalas
Sa Lengguwahe ng Saligang batas na nakasaad sa Republika ng Pilipinas
Comments/disqusion
No comments