#SAVELITERATURE
© Aprille Celine Gelogo
Manunulat ba 'ka niyo?
Sa inyong mga likha sa Wattpad ako'y tila nabobobo,
Paulit-ulit na takbo ng kwento,
Kung babasahin ko lang lahat ako'y mahihilo.
Kung may mabasang isa, ito'y gagayahin,
Pwede namang ibahin kung iyong nanaisin,
Ngunit kung dami ng mambabasa ang iisipin,
"Wag na lang!" inyong sasambitin.
At teka, ako'y may puna!
Ang inyong mga tuldik, kung saan-saan napupunta.
Napapaisip tuloy sa tuwing magbabasa,
"Aba, walang tuldok, ako ba'y hihinto na?"
Heto pa nga pala, ang balarila ba'y nalimot nyo na?
Nagdurugo na ang ilong ko sa aking mga nababasa.
Sa alinmang wikang alam ko ay may napupuna,
Kailangan pang balikan ang sintaks na nauna.
Mga manunulat ng Wattpad, hindi ko lalahatin.
Ito lamang ay isang paalala mula sa akin,
Bawat akda mo'y pagkatao mo ang dadalhin,
Kaya naman sa bawat pagtipa mo, iyong pagbutihin.
©Mhericon Jean Landayan Lorenzo
Passion Vs. Fashion
Ang pagsusulat ay isang PASSION
at hindi isang FASHION
Magsulat ka to EXPRESS
Hindi para magpa IMPRESS
Bakit ka ba nagsusulat?
Dahil ba gusto mong sumikat?
O dahil sa gusto mo lang ipabatid
Mga bagay bagay na naglalaro sa isip?
Ang pagsusulat ay isinasaPUSO
Ito ay di dapat isinasa-USO
Gamitan mo kasi ng Puso
Hindi `yong nakikisabay ka sa USO
Nagsusulat ka ba dahil sa naiinggit ka
Pagkat marami na ang sikat?
O dahil dito ka masaya
Pagkat ikaw ay nakatakas sa realidad nitong buhay?
© ปีเตอร์
กาเบรียล มิแรนดา
Nasaan Ka, Author?
Nasaan ka na ba?
Hinahanap kita.
Mukhang ikaw talaga ay kailangan na nila
Naliligaw na sila sa sarili nilang talata
At ang sining ay napunta na lang kay Bahala
Nasaan ka na ba?
Kaytagal mo na ring nawala
Nawalan ng puwang sa mundo at ika'y namayapa
Bumalik ka na kahit ilang saglit.
Nang bumalik ang elementong kanilang winaglit.
Nasaan ka na ba?
Ikaw na ba ang mismong naligaw?
Sa landas na madilim ikaw na ang siyang pumanaw?
O hindi pa pero habol ang paghinga mo't paglakad.
Para lang humabol sa mundong paurong ang lakad.
© Mariano De Sangrerojo
LITERATURANG KUWENTADO
Ang lahat ng panulat tila'y isang ilog
tuluyang larangan ng hapis at pag-irog.
Ang bawat manulat ay nakapapansin,
kahima't malaki'y ang ilog, narurusing din.
Ngunit ang kinarusing, ang sadyang dahilan,
ay ang kababawan ng sinaligang lipunan.
Nagtataka lang ako't kayo pa'y nagtataka:
sa lipunang ito, kayo rin ay wala ba?
Nariyan ang pagpataw ng wikang "Filipino".
Nariyan ang gilitang-liig ng mayama't paysano.
Sa larangan ng kultura ay tigbak ng pasikat,
wala na sa mga kabataan ang nahihikayat.
Ito ang suhay ng literaturang kuwentado,
ang literaturang bumebenta't naniniil sa iyo.
Sino'ng paham ang aayaw sumulat ng k****utan,
kung ang bawat sentimo'y kailangan ng tiyan?
© Rob Mego Perez
Ang pagsusulat ay masaya pero di basta basta.
Sa bawat salita ng istorya, pinag-iisipan at pinaghihirapan.
Mga kabataang nagsusulat, puro romansang wala namang karunungan.
Sa bawat pahina,puro landi ang likha. Sapat ba ang iisang kategorya? o
kailangan humanap ng ibang dyanra.
Ang magaling na manunulat ay hindi umaasa sa mga salitang "Walang
sino man ay perpekto" bugkos ay ginagawa ng tama ang akto upang ang likha
ay parang musikang nasa tono.
Sa pagsusulat, hindi naaayon ang lahat, kaylangan matuto upang makapag
sulat ng sapat. Ang pagiging manunulat ay naayon sa salitang naka-sulat at
hinding hindi magiging basta-basta.
© Erin Villanueva Ragudo
(Para ito sa Wattpad entries na walang kalatoy-latoy. Hindi ko
nilalahat.)
Libangan,
di pinag-isipan.
Literatura
ginawang katatawanan.
Filipino man o English ang lengguwaheng ginamit,
sa dami ng maling grammar at spelling, ngiwi lang ang makakamit.
Walang ibang laman,
kundi kalandian ng kabataan.
Istorya ay pang-mangmang,
walang katuturan, walang pinatutunguhan.
Ito ang kinabukasan
ng literatura ng mahal kong bayan!
Panglibang na lang!
Para sa mga mangmang!
©Princess Calacala
"Bayan Muna Bago Landi"
Iniuukilkil sa murang isipan
Mga bagay na walang kabuluhan
Pati ang pag-ibig na walang patutunguhan
Kanila ngayong binibigyan nang pakahulugan
Mumunting isipan
Bakit hindi buksan?
Akda'y tila isang basahan
Bakit pilit na tinatangkilik ng mga kabataan?
Saan napunta
Ganda ng literatura?
Unti-unti na bang ibabalandra
Ang mga akdang walang kwenta?
Ako'y nagsusumamo
Sa sampu ng mga kachokaran ni Marcelo
Bakit hindi subukang baguhin ang istilo
At gamitin ang ganda ng literaturang Pilipino?
© Jom Cueto
Nasaan, nasaan
ang pag-asa ng bayan?
Nasaan, nasaan
ang ating kinabukasan?
Pagibig o kalandian?
Pintig ng Puso o pusok ng laman?
Mga panulat ay ilusyon
pandagdag lamang sa polusyon
Sa kanilang literatura
ano ang nais nilang patunayan,
ano ang nais ipagsigawan
May pera sa basura?
Gisingin na ang isipan,
Palaganapin ang karunungan
Ibagsak ang kamangmangan
Pagkat ang minsa'y pag-asa
Ay naging parusa ng bayan
Ge!