Hayaan mo sanang malaman ko
Kung saan mo nais magtungo
Sa pagdating ng takipsilim. 
Pahintulutan mo akong samahan ka
Sa paglakad, sa pagtakbo
Sa paggalugad ng paligid mo.

Kahit umupo tayo at sandaling magpahinga 
Alam kong patuloy akong maliligaw 
Sa paglalakbay sa 'yong uniberso.
Saglit man tayong huminto 
Ay mahihilo pa rin ako sa bawat 
Segundo at minutong 
Minamasdan kita. 

 May taglay na mahika at salamangka 
Ang mga titig mo.
May kung anong gayuma 
Ang 'yong mga ngiti.
Ang bawat kumpas ng iyong mga kamay
At hakbang ng mga paa 
Ay tila isang mapang- akit na sayaw;
May ritmo. May indayog. Nasa tiyempo. 

 Kuwentuhan mo naman ako
Habang lumalalim ang gabi.
Habang patuloy na binabalot ng dilim 
At kinukumutan ng liwanag ng buwan at mga tala 
Ang buong kalangitan.
Punuin natin ang buong magdamag 
Ng palitan ng mga magagandang alaala.

Kasabay ng paggawa ng mga bagong kanta;
Na tungkol sa'yo, na tungkol sa akin, na tungkol sa atin. 
 
Batid mo namang
Tinuruan mo akong muling sumulat ng tula
Ang presensiya mo ang tumulong 
Upang gumalaw muli ang mga larawan.
Nagkabuhay muli ang mga tugma.
Nagkakulay muli ang mga salita. 
 
Patawad kung labis ka ng naguguluhan.
Masyado na yatang mahaba ang aking pasakalye.
Hindi ko sinasadyang lituhin ang iyong isipan.
Gusto ko lang naman sanang tanungin ito sa'yo: 
Mahal, maaari bang ako naman ang samahan mo?
Sa paggising at pagsalubong sa bawat umaga ng buhay ko.

Comments/disqusion
No comments