By Rivas Chavez


Sasampa siya sa sinasakyan mong jeep. Luluhod siya sa 'yong harapan. Pupunasan ang iyong sapatos. Hahagikgikan siya ng ilang kasakay mong kolehiyala. Lalakad siya nang paluhod hanggang sa dulo ng upuan. Babalik sa iyong harapan na naka-mwestra ang palad nang pahingi. Nakatitig siya sa'yo. Pero di mo siya kayang tingnan. Nasa isip mo, "Baka ipang-rarugby mo lang!"
Magmamatigas ka sa iyong pagdadamot. Ipipilit mong tama lang pagbalewala sa mga katulad niya dahil nasa malapit lang ang hardware na mapagkukunan ng rugby. Makikiisa ka sa hagikgikan ng mga kolehiyala sa likod ng isip mo kahit nakasimangot ang mukha mo.
"Huwag bigyan para di mamihasa."

Bababa siya ng jeep na walang napala at muling magbabakasakali sa ibang jeep. Ito ang bersyon niya ng paglakad nang paluhod sa simbahan. Nagdarasal din siya sa loob-loob niya...

Wala sa mabalahibong mga braso ang tunay na nakakatakot. Wala sa matatalim na pangil. Wala sa nakakadiring mga agnas-sugat. Wala sa badhair day ni Sadako. Wala sa mga nanlilisik na mga mata ang tunay na nakakatakot.

Ang tunay na nakakatakot ay ang takot na maranasan ang hirap ng iba. Ang tunay na nakakatakot ay ang kalam ng sikmura. Ang maging madungis sa publiko. Ang magmakaawa sa mga taong hindi mo naman kaano-ano. Hindi ang anak ng Grudge na nagma-meow, kundi ang batang kumakalabit sa'yo para sa piso habang naghihintay ka ng masasakyan sa highway. Ang batang nanunuod sa bawat kagat mo ng burger sa likod ng salamin ng fastfood. Kaya malimit na hindi mo sila kayang titigan. Ganon ang tunay na kilabot. Nakakapagtakip ka ng mga mata sa mga horror na palabas at mapapatili, pero sa totoo lang, ang sakmal ng tunay na kilabot ay nakakapagpatulala at nakakapangmanhid. Mamumura mo ang manananggal sa bubong, pero napapatahimik ang lahat kapag sumampa na... ang shoeshine boy a jeep...

Comments/disqusion
No comments