Ni: Katrine Cates Villanueva
Takatak-tak-tak! Click! Tak! Tak!
Roon sa kaniyang silid - kamang gulo-gulo pa, mga damit na nakakalat sa sahig, kurtinang hinaharangan ang bintana, at silaw mula sa kompyuter na nagsisilbing tanging liwanag - tunog ng keyboard niya ang umaalingawngaw. Pupungas-pungas pa man at muta sa mata'y hindi pa napupunasan, kanya agad na hinarap ang pausbong na laban na nagsisilbing kabuhayan. Kanyang nilingon ang mesa sa gilid at kinuha ang pabango at ilan pang mga gamit. Sa harap ng webcam, kolorete'y kanyang ipinahid sa mukha at pabango'y winisik-wisik pa na wari nya'y maaamoy pa siya sa kabilang linya.
Sa suot niyang tube at micro-mini skirt, ganda't kaseksihan niya'y umaapaw. Aba't flawless at mestiza nga naman siya, ano pa bang hahanapin ng mga kustomer niya? Sa isip-isip pa niya, bonus ang natural na lambot ng kanyang katawan kaya nama'y swabeng-swabe ang kanyang paggiling at pagkembot. May idadahilan pa ba sila para tanggihan ang beauty na haharap at pagsisilbihan sila? Maya-maya pa'y isang kaway ang natanggap niya - mula ito sa isang lalaking kalbo, maputla at may manyakis na tawa. Pangisi-ngisi naman siyang bumati sa mamang hindi kakilala sabay kagat ng labi habang pakurap-kurap siya.
Matapos ang ilang paggiling-giling, pang-aakit at pagsunod ng rekwes ng mamang kalbo, kanyang palabas ay nagsimula na. Gaano pa man kahiya-hiya ang kanyang ginagawa para sa iba, dignidad niya'y isinalalay kapalit ng perang ibinabayad nila. Tanggap na lamang siya ng tanggap, sunod na lamang siya ng sunod. Alindog at panandaliang ligaya na dulot niya para sa lalaking nasa harap ng kamera'y habambuhay na bangungot ang katumbas para sa kanya. Gayunpaman, maskarang nakangiti ay patuloy na isinusuot niya. Kapit sa patalim, ayon pa sa iba. Ano pa nga ba't matapos mag-enjoy nang husto ang mamang kalbo, ay nag-offline rin ito matapos siyang sabihan ng ilang mura at pagsisiguradong ipapadala nito ang bayad sa bank account niya.
Roon sa kanyang silid - kung saan silaw ng kompyuter ang nagsisilbing tanging liwanag - muling naghari ang katahimikan, na tanging kaibigan niya. Bagamat saplot sa kanyang katawan ay nakalihis na, dahan-dahan niyang tinungo ang kubeta para maghilamos ng mukha. Sa harap ng salamin, lipstick niya'y medyo pumusyaw na, buhok niya'y gulo-gulo na at ang ngiting kanyang suot kanina ay nawawala. Sa paglagaslas ng tubig noong buksan niya ang gripo, luha niya'y kasabay na tumulo; at ang laman nitong sakit, poot at hiya sa sarili ay kanyang hinugasan at binalewala. Isang ngiti na mapait na lamang ang kanyang naiharap sa salamin sabay sabi sa sarili ng, "Gaga. At least may pang-tuition ka na."
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Comments/disqusion
No comments