By: Katrine Cates Villanueva


Sino nga ba ang marapat na sisihin? Sino nga ba ang syang may pananagutan?

Mga tanong na gumagambala sa bawat isa, hinahanapan ng sagot sa pamamagitan ng masidhi umanong pag-iimbestiga. Mga pulitikong umaabuso sa kapangyarihan pilit na binabatikos at pinapatalsik ng bayan, samantalang yaong mga "biktima", nagmamataas, nagpupumilit na humingi ng hustisya. Nagtuturuan, naghihilahan, nagsisisihan. Sino nga ba ang marapat na sisihin? Sino nga ba ang syang may pananagutan?

Sa mga prehistiyosong unibersidad, sila'y nakapagtapos umano ng may dangal - kaya nama'y respeto at bilib ay kanilang inani mula sa karamihan. Talino't sapat na dunong ay kanilang pondo para tuluyang maintindihan ang nag-aapoy na lagnat at mga pangangailangan ng Inang Bayan. Unti-unti nilang binaktas mula sa papag ng kakumbabaan patuloy sa rurok ng bundok ng kapangyarihan; kapangyarihang baguhin at iangat ang Inang Bayan sa kanila'y ipinagkatiwala ngunit "Bakit kami'y naghihirap pa rin?" ang sigaw ng syang nasasakupan. Kung sino pa man umano ang may angking talino, yaman at kapasidad para iahon ang bayan ay sila pa mismo ang syang nangunguna sa nakawan at paglaganap ng patuloy na kahirapan.

Mga batang hindi makapag-aral, mga inang walang maipakain sa kanilang anak, mga tambay sa kanto na imbes na magtrabaho ay naroon nagpapakalunod sa alak at sigarilyo. Sila umano ang salamin ng kahirapan, biktima ng pang-aabuso na gawa ng may kapangyarihan. Hindi nila kasalanan kung sila man ay magnakaw, sapagkat "Wala kaming pera eh." ang kanilang pagbibigay-linaw. Hindi raw masama na mag-123 sa dyip, hindi raw masama na manguha ng supplies sa opisina, hindi raw masama bumulsa ng isang-daan sabi ng ibang kahera; Sapagkat maliit na halaga lamang daw ang kanilang kinuha, "Bakit kami? Eh iyong nasa gobyerno milyon-milyon ang kinukuha." ang pangangatwiran pa nila. No Parking, No Jaywalking at No Smoking - mga simpleng paraan ng gobyerno sa pagdidikdik ng disiplina, ngunit kabi-kabilaan ang lumalabag sa mga naturang paalala. Pero hindi nga ba, mga kababayan, sa maliliit na bagay ang lahat nagbubunga?

Sino nga ba ang marapat na sisihin? Sino nga ba ang syang may pananagutan? Patuloy na lumalagablab ang lagnat ng Inang Bayan; Lahat nais pawiin ang sakit, lahat nais maging bayaning ililigtas ang taglay niyang kariktan. Ngunit sino nga ba ang kalaban? Kanino nga ba siya ililigtas? Katakot-takot mang sabihin at aminin ngunit, TAYO.. TAYO ang kalaban ng bayaning naninirahan sa ating mga sarili. Paano? Paano nga ba ililigtas kung ang sarili mismo ang kalaban?

Comments/disqusion
No comments